torre copy

PH men’s team umarya; women’s squad kinapos.

Naging madali sa Philippine men's team ang nakatapat na Nigeria, 3-1, ngunit nabalahaw ang distaff side sa ikatlong round ng 42nd World Chess Olympiad nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Baku, Azerbaijan.

Sa pangunguna ni Eugene Torre, kauna-unahang Asian na naging Grandmaster at ipinapalagay na pinakabeterano sa Olympiad, magaan na pinataob ng Pinoy ang Nigerian squad para makabalik sa top 30 ng prestihiyosong torneo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ginapi ng 60-anyos na si Torre (2447) sa ika-45 sulong si FIDE Master Daniel Anwuli (2336) sa Board 2. Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Torre sa individual play.

Tinalo naman ni GM John Paul Gomez (2492) sa Board 1 si FM Bomo Kigigha (2340), gayundin si Rogelio Barcenilla, Jr. kontra International Master Oladapo Adu (2334) sa Board 3.

Posible pang umangat sa standings ang koponan, nakabalikwas sa kabiguan kontra sa Paraguay sa ikalawang round, kung magagawa nitong biguin ang susunod na makakaharap na 70th seed at may natipong 7 puntos na Costa Rica sa ikaapat na round.

Tanging si International Master Paulo Bersamina (2408) ang nabigo sa men’s side nang masilat ni candidate IM Adeyinka Adesina (2259) sa Board 4.

Nabigo naman ang women’s side na sundan ang impresibong panalo sa four-time champion Georgia nang magapi ng India, ½ -3 ½.

Kinapos si WIM Jan Jodilyn Fronda (2128), Christy Lamiel Bernales (2065) at WIM Catherine Secopito (2119).

Natalo si Fronda kay IM Rout Padmini (2408), si Bernales kay IM Sachdev Tania (2402) at si Secopito kontra WGM Swaminathan Soumya (2402). Nakatabla naman si WGM candidate Janelle Mae Frayna (2281) kontra GM Dronavalli Harika.

Inokupahan ng 46th seed na Philippine Women’s Team ang ika-40 puwesto na may natipong pitong puntos at sunod na makakaharap ang seeded No.40 na Canada na may natipong walong puntos. (Angie Oredo)