BILANG alay at bahagi ng paggunita at pagdiriwang sa kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, ang patroness ng iniibig nating Pilipinas, sa ikawalo ng Setyembre, isang Grand Marian Exhibit ang ginawa na pinamunuan ng mga miyembro ng Hermanidad de Maria Santisima de Angono.
Ang Marian Exhibit ay ginawa sa unang palapag ng Formation Center ng Saint Clement Parish sa Angono, Rizal. Tampok ang may 78 life-sized na imahen ng Mahal na Birhen na ang karamihan ay century old na. Sinimulan ang Marian Exhibit noong ika-27 ng Agosto at natapos nitong ikalawa ng Setyembre. Naging panauhin at nagbendisyon sa mga imahen ng Mahal na Birhen si Fr. Ral Paguergan, assistant parish priest ng Saint Clement Parish.
Dumalo rin sa pagbubukas ng Marian exhibit ang mga deboto ni Mama Mary, mga kamag-anak at may-ari ng mga imahen at mga miyembro ng religious organization sa parokya. Sinundan ito ng Rosario Cantada, na naging bahagi ng Marian exhibit ang gabi-gabing pagdarasal ng Rosario.
Ayon sa pamunuan ng Hermanidad de Maria Santisima de Angono, ang 40 imahen ng Mahal na Birhen ay isasama sa Grand Marian procession sa Setyembre 8, ang kaarawan ng Mahal na Birhen. Gagawin ang prusisyon matapos ang concelebrated mass ng 4:00 ng hapon sa Saint Clement Parish, sa pangunguna ni Fr. Roy B. Crucero, kura paroko.
Kasama sa grand Marian procession ang mga mag-aaral, iba’t ibang religious organization at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
Kabilang sa mga tampok sa Marian exhibit na isasama sa Grand Marian Procession ay ang imahen ng Nuestra Señora del Pilar, Birhen ng Mater Dolorosa, Mahal na Birhen ng Pagbati at Pagkabuhay, Nuestra Señora de los Angeles, Virgen dela Rosa Mistica, Birhen ng Fatima, Birhen ng Immaculada Concepcion, Our Lady of Mount Carmel, Birhen ng Lourdes, Birhen ng Ina ng Laging Saklolo, Birhen ng Sto. Rosario, Birhen ng Guadalupe at iba pa.
Ang Mahal na Birheng Maria, ayon sa kasaysayan, ay isinilang sa Nazareth. Anak siya nina San Joaquin at Santa Ana.
Isinilang siya upang maging Ina ng Tagapagligtas ng sangkatauhan at ispirituwal na ina ng lahat. Si Mama Mary ang pinakabanal na nilikha ng Diyos. Siya’y ipinaglihi at isinilang na puspos ng kalinisan at puno ng grasya. Ang pagsilang ng Mahal na Birhen ay itinuturing na bukang-liwayway ng sangkatauhn sapagkat siya ang napiling Ina ng Mananakop.
Ang pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen ay nagsimula pa sa Jerusalem noong mga huling taon ng ikapitong siglo.
Ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng Simbahan noong taong 687 sa pamamagitan ni Papa Sergio 1. Sinasabi rin na ang tradisyunal na pagdiriwang ng Eastern Church sa kapanganakan ni Maria ay nakaulat sa ilang dokumento noong ikawalong siglo. Nang lumaon, ipinagdiwang ng Western Church noong ika-11 siglo.
Sa kasalukuyan, ang pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen ay nasa liturgical ng Romano Katoliko, sa kalendaryo ng Eastern Churches, at sa “The Book of Common Prayer” ng Anglican Communion.
Sa pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen, maraming religious congregation ang muling magsasagawa ng religious vow upang maging matibay ang kanilang pag-ibig at pangako kay Birheng Maria.
At sa iniibig naman nating Pilipinas, ang Mahal na Birhen ay lagi nang bahagi ng buhay at pag-ibig ng mga Pilipino; tinatawagan sa mga dalangin, sa panahon ng kapayapaan, dalamhati, kabiguan, tagumpay, kalamidad, krisis at mga pagsubok. (Clemen Bautista)