Ancajas, bagong Pinoy world champion.
Batid na sa mundo ng boxing ang tunay na dahilan kung bakit ilang ulit iniwasan ni McJoe Arroyo si Pinoy boxing sensation Jerwin Ancajas.
Ipinarating ni Ancajas ang mensahe nang dominahin ang Puerto Rican champion tungo sa 12-round unanimous decision at agawin ang International Boxing Federation (IBF) super flyweight title nitong Sabado ng gabi sa Philippine Navy Gym sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ilang ulit naantala ang laban, huli’y nitong Hulyo 30 bunsod ng iba’t ibang dahilan na ibinigay ng kampo ng Puerto Rican kabilang ang natamong injury.
Ngunit, nagbigay ng babala ang IBF na babawiin sa kanya ang titulo kung mabibigo itong lumaban kay Ancajas.
“Ngayon, alam na natin lahat na talagang pineke lang niya ang kanyang mga injury para makaiwas kay Jerwin. Alam niya may paglalagyan siya,” sambit ni Joven Jimenez, trainor ni Ancajas.
Dumagundong ang hiyawan ng home crowd, kabilang si Senator Manny Pacquiao na siya ring promoter ng laban, matapos ideklarang panalo ang Pinoy fighter.
Nagsakripisyo si Ancajas na tumanggap lamang ng $3,750 na premyo sa minimum bidding prize ng MP Promotions na $25,000 para mapilitan si Arroyo na dumayo sa Pilipinas upang magdepensa ng titulo. Nawalan man ng championship belt, nag-uwi si Arroyo ng halagang $21,250.
Nagpakiramdaman sa unang anim na rounds sina Ancajas at Arroyo bagamat nakalamang ang Pinoy boxer sa kanyang mga sikwat sa bodega ng karibal na ngayon lamang lumaban sa labas ng kanyang mga teritoryong Puerto Rico, United States at Mexico.
Mas bata ng pitong taon kay Arroyo, hindi nagpahuli sa bilis si Ancajas na matikas na nakapagpatama sa ikaanim na round para mapangalog nito ang tuhod ng karibal.
Sa ikawalong round, tuluyang nadomina ng Pinoy ang Puerto Rican na napatumba sa isang kombinasyon.
Tinangka ni Arroyo na bumawi sa huling apat na round pero mas naging agresibo ang 24-anyos na si Ancajas na inialay ang kanyang performance kina Pacquiao at sa kababayang si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang tagal kong hinintay ito. Naging maganda naman ang resulta,” sambit ni Ancajas.
“Malakas din (ang suntok niya). Hanggang ngayon nga medyo bingi pa yung tenga ko dahil sa isang tama niya kanina,” niya.
Hindi nagreklamo si Arroyo nang ihayag ng Amerikanong referee na si Gene del Bianco ang resulta ng laban: 118-109 kay judge Gil Co ng Pilipinas, 115-112 kay judge Carlos Colon ng Puerto Rico at 117-110 kay judge Takeo Harada ng Japan.
Napaganda ni Ancajas ang kanyang karta sa 25-1-1, tampok ang 16 knockouts samantalang, lumasap ng unang pagkatalo si Arroyo sa 18 laban.
Para sa trainer ni Ancajas na si Jimenez, tiyak na malaki ang magiging premyo ng kanyang alagang boksingero sa susunod na laban na posibleng unification bout sa mananalo kina WBC super flyweight champion Carlos Cuadras ng Mexico at challenger na si WBC flyweight at The Ring magazine’s pound for pound champion Roman Gonzalez ng Nicaragua.
“We want Roman Gonzalez. Our goal is Roman Gonzalez. Me and Jerwin always talk about Roman Gonzalez,” ayon kay Jimenez.
Bunsod ng panalo, bumalik sa apat ang kampeong pandaigdig ng Pilipinas ngayon. Nakasama si Ancajas nina WBO bantamweight titlist Marlon Tapales, WBO junior featherweight champion Nonito Donaire Jr at IBF flyweight ruler Johnriel Casimero.