ANG sektor ng ating mga kababayan na may kapansanan o persons with disability (PWDs) ay tinutulungan ng ating pamahalaan. Sa mga bayan sa lalawigan at lungsod sa ating bansa, ang mga PWD ay may samahan at pamunuan. Nakikipag-ugnayan sa lokal at pamahalaang panlungsod upang maiparating ang kanilang pangangailangan.

May mga bayan din na nagtayo ng institusyon upang doon tulungan at bigyan ng pagsasanay ang mga PWD na ang mga bagay na kanilang matutunan ay magagamit sa hanapbuhay. Isang halimbawa ang Tahanang Walang Hagdan na nasa Cainta, Rizal.

May panukalang batas na rin sa Kongreso na pinagtibay bilang suporta sa mga kababayan nating may kapansanan. Ito ay ang Republic Act 10754 na mas kilala sa tawag na “Malasakit Bill”.

Sa pagsasabatas ng RA 10754, natuwa at nagbunyi ang 1.5 milyong PWD sapagkat tulad ng mga senior citizen at SSS pensioner, may 20 porsiyento na silang discount sa mga gamot; pampublikong transportasyon, medical at dental services, sa restaurant, sinehan at mga concert hall. Exempted na rin ang mga PWD sa 12 porsiyento ng value-added tax sa ilang mga bilihin. Ang awtor ng RA 10754 ay si Leyte Rep. Martin Romualdez at isinulong nina Marikina Rep. Miro Quimbo, Sen. Sonny Angara, Ralph Recto, Bam Aquino at Nancy Binay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa Antipolo, nagkaloob ang Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, ng insentibo sa halagang P80,000 para sa 60 atletang may kapansanan at ito ay isinagawa sa Sumulong Park.

Nag-uwi ng 36 na medalya ang mga manlalaro na lumahok sa 5th Philippine Sports Association for the Diferrently Abled (PHILSPADA) National Paralympic Games.

Sa bahagi ng mensahe ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, sinabi niya na: “Tayo po ay natutuwa at buong puso po nating ipinagmamalaki ang mga kababayan nating kumatawan sa ating lungsod sa ginanap na ika-5 PHILSPADA National Paralympic Games. Maging huwaran po sana natin ang mga kababayan nating atleta na bagamat may kapansanan ay hindi naging hadlang sa kanila upang ipakita sa lahat na kaya nilang magbigay ng karangalan sa ating lungsod.”

Nagpadala ng kinatawan ang 16 na barangay ng Antipolo na nakipagtagisan ng lakas at galing sa kapwa PWD. Nag-uwi ng 11 gold medal, 12 pilak at 13 bronze ang mga Antipolenyong atleta sa larangan ng pagtakbo, javelin throw, discuss throw, shot put, long jump, table tennis, single at double, lifting at relay.

Ginanap ang 5th PHILSPADA National Paralympic Games noong Marso 28 hanggang Abril 2, 2016 sa Marikina Sports Center, Marikina City na nilahukan ng 48 local government units (LGUs). Layunin ng programa na himukin ang mga may kapansanan na makilahok sa mga pogramang pampalakasan. (Clemen Bautista)