WALONG kabayo ang opisyal na kalahok para sa gaganaping JRA Cup, ang pinaka-highlight ng Japan Racing Festival, ngayong Linggo (Setyembre 4) sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Maglalaban para sa kabuuang papremyong P500,000 na inihanda ng sponsor na Philracom ang Guanta Na Mera – Mark Alvarez na pag-aari ni Atty. Narciso Morales; Brennero – Kelvin Abobo at Absoluteresistance – MM Gonzales na parehong pag-aari ni dating Mandaluyong Mayor Benhur Abalos Jr.; Aerial – Dennis Camanero Jr. (Mark Vincent Geron); Kundiman – Fernando Raquel Jr. (Paul Carpio); Fighting Back – Jonathan Hernandez (Nardy Javier); Fun Day Fest – Jordan Cordova (Andok’s Litson Corp); Bite My Dust – Jesse Guce (Dr. Nick Cruz).

Ang mananalo sa karerang ito na paglalabanan sa distansyang 1,600 meters ay pagkakalooban ng first prize na P300,000 at ang winning owner, trainer, at hinete nito’y pagkakalooban naman ng tig-isang tropeo. Ang breeder ng mananalong kabayo’y tatanggap din ng P15,000 na bonus.

Bilang pagpapahalaga sa nasabing pagdiriwang ng JRA Cup sa unang pagkakataon sa MetroTurf, ginawang isang Japan Racing Festival ng Metro Manila Turf Club ang buong araw kung saan ilan sa mga karera’y sponsored ng iba’t ibang kumpanya tulad ng Isuzu Philippines Corporation, SOGO Hotel, DLTB Bus Company, at Tecson Farm.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang JRA Cup ay isang exchange goodwill race na kapalit sa ginagawang pantaunang The Philippines Trophy Race sa JRA Asia Week of Racing na huling ginawa noong Hulyo 16-17 sa Chukyo Racecourse sa Nagoya. Dumalo sa nasabing pagtitipon ang representatives naman ng Metro Manila Turf Club na sina vice presidents Ronald Alfeche at Andy Sevilla.

Sa Linggo, tiniyak ng JRA Hongkong Office na darating sa naturang pagtitipon ang kanilang General Manager Makoto Iyori at si Masashi Shoju habang ang Japan Embassy naman sa Maynila ay magpapadala rin ng kanilang representatives na sina Minister for Economic Affairs Makoto Iyori at First Secretary Kenji Terada. (Angie Oredo)