Hindi na matutuloy ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at United Nations Secretary General Ban Ki-moon, sinabi ng UN at ng gobyerno ng Pilipinas.

Hiniling ni UN chief Ban ang bilateral meeting sa Laos, na punong-abala ng summit ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa susunod na linggo, ngunit sinabi ng mga opisyal mula sa opisina ni Duterte na hindi niya ito maisisingit sa kanyang schedule.

“A meeting was requested but we could not agree on a time,” lahad ni Stephane Dujarric, tagapagsalita ni Ban, nitong Huwebes.

Idinagdag ng pangalawang opisyal ng UN na tinanggihan ang hiling na pagpupulong dahil sa “scheduling incompatibility”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong nakaraang linggo, hinimok ng dalawang UN human rights experts ang Manila na pigilin ang bugso ng extra-judicial killings na tumaas simula nang maupo sa panguluhan si Duterte bitbit ang pangakong buburahin ang droga, na ikinagalit ng administrasyon.

Kinumpirma ni Presidential spokesman Ernesto Abella na hindi na makikipagpulong si Duterte kay Ban, ngunit tumangging magkomento kung may kinalaman dito ang mga pagbatikos niya sa UN.

“PRRD has his own reasons for not meeting up with ome leaders,” aniya, gamit ang initials para sa President Rodrigo Roa Duterte. “This is no reason to speculate about the Philippines’ relationship with the community of nations.”

Sinabi ng ikatlong opisyal ng UN, na tumangging kilalanin, na bago sa pandinig na ang isang lider ay masyadong abala para hindi mapaglaanan ng oras ang pakikipagpulong sa secretary general.

“Drug policy and human rights would have been top of the UN’s list at the meeting,” sabi ng opisyal.

Kasunod ng mga batikos sa pagtaas ng pamamaslang kasabay ng kanyang anti-drugs campaign, tinuligsa ni Duterte ang United Nations sa isang news conference noong Agosto 21, nagpahaging na posibleng kakalas na lamang siya sa UN at iimbitahan ang China at iba pang mga bansa sa Africa na bumuo ng alternatibong pandaigdigang samahan.

Nang sumunod na araw, sinabi ni Foreign Secretary Perfecto Yasay na nananatiling nakapangako ang Pilipinas sa United Nations at hindi kakalas sa kabila ng maraming “frustrations” sa international agency.

Sinabi naman kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose na “very tight” ang schedule ni Duterte sa summit simula Setyembre 6-8 at tanging ang napagbigyan nitong makapulong ay ang mga kasapi ng ASEAN at dialogue partners gaya ng United States, Australia, Russia, Japan, Singapore, Japan, New Zealand, Laos at Vietnam.

“Please understand that he cannot accept them all and no one should impute any negatives on those he could not accommodate,” paliwanag ni Jose. (REUTERS at ni BELLA GAMOTEA)