SINUSPINDE ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang burial preparations para sa yumaong diktador na si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City. Sinabi ni Col. Edgard Arevalo, AFP Public Affairs chief, ang suspensiyon sa preparasyon ay alinsunod sa status quo ante order na inisyu ng Supreme Court (SC).
Bilang pagtupad ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa pangako kay Sen. Bongbong Marcos at Marcos Family noong kampanya na ipalilibing niya ang bangkay ni FM sa Libingan kapag siya ang nanalo, pahihintulutan niyang maihimlay ang bangkay na hanggang ngayon ay nasa refrigarated crypt sa Batac, Ilocos Norte.
Malaki ang boto na nakuha ni Mano Digong sa Ilocos Norte at iba pang mga probinsiya sa Ilocos Region dahil sa paborableng pagpapalibing sa bangkay. Landslide. Layunin din daw ni RRD na mapaghilom ang mga sugat ng kahapon na likha ng martial law at mapag-isa ang mga Pinoy. Pero, sa halip na mapaghilom ang sugat, ito ay muling nagnaknak, muling nanariwa at sumiklab ang galit ng mga martial law survivor at mga taong nakaranas ng kaapihan, pagsupil sa kalayaan, demokrasya at press freedom.
Nagkakaisa sila sa paninindigan at paniniwalang bakit hahayaang mailibing ang diktador sa LNMB gayong sa panahon ng martial law, libu-libong Pinoy ang namatay, marami ang biglang nawala, at marami rin ang ikinulong dahil itinuturing silang kaaway ng Marcos regime. Papaano raw ihihimlay ang diktador na pinatalsik ng taumbayan noong 1986 kapiling ang mga tunay na bayani na nagbuwis ng buhay para sa bayan?
May suhesityon ang mga netizen at iba’t ibang sektor at grupo, na sa Batac, Ilocos Norte na lang ilibing si Apo Macoy. Sa Ilocos, siya ay itinuturing na bayani, dakilang tao at pinakamagaling na pangulo ng bansa. Minamahal siya ng mga Ilocano at tiyak na ganap siyang mananahimik sa piling nila.
Sana ay maunawaan ito ni President Rody at ang ikonsidera niya ang ang pambansang damdamin ng mga Pilipino, hindi bunsod lamang sa pagtupad sa isang pangako noong kampanya. Sana ay magkaroon din ng tama at wastong desisyon ang SC tungkol sa isyung ito! (Bert de Guzman)