Patuloy sa kanyang pamumuno para sa koponan ng Jose Rizal University ang beteranong playmaker na si Teytey Teodoro sa second round ng NCAA Season 92 men’s basketball tournament.

Naitala ng Heavy Bombers ang apat na sunod na panalo, kabilang ang tatlo sa pagsisimula ng second round para mapatatag ang kampanya para sa Final Four.

Tangan ang 7-5 karta, kasosyo ng JRU ang Mapua sa ikaapat na puwesto sa team standings.

Nagtala ang JRU point guard ng 21 puntos sa 68-58 panalo laban sa Lyceum noong Biyernes kasunod ng kanyang 23-puntos sa overtime win kontra reigning champion Letran, 75-68, noong Martes.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi naman itinago ni JRU coach Vergel Meneses ang paghanga sa potential sa kanyang manlalaro na siyang napiling ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.

“Puwede na siyang mag- PBA,” ani Meneses. “Maraming mga PBA coaches ang interesado sa kanya.Pero kailangan lang nyang mag- improve pa sa kanyang depensa.”

Sa ngayon, wala namang pinagtutuunan ng pansin si Feodoro kundi ang mabigyang tsansa ang JRU sa kampeonato.

“Matagal na panahon na rin mula ng huling pumasok ng finals ang JRU at yun ang goal ng team ngayon,” ani Teodoro.

(Marivic Awitan)