Umalma si Quezon City Mayor Herbert Constantine “Bistek” Bautista sa kasong administratibo na isinampa ng isang anti-crime watchdog sa Office of the Ombudsman kamakalawa.
Ikinatwiran ni Bautista, walang basehan ang naging reklamo ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez na dishonesty, neglect of duty, misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of service as public official.
Nilinaw ng alkalde na kahit “bagsak sa drug test ang kapatid nitong Konsehal na si Hero Bautista ay hindi ibig sabihin na sangkot na ito sa illegal drugs sa lungsod.
Nauna nang ikinatwiran ng VACC na nagpabaya si Bautista sa kanyang tungkuling dahil hindi nito masugpo ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa kanyang nasasakupan kung kaya’t kinasuhan din ito, kasama ang kapatid na konsehal dahil sa umano’y paglabag ng mga ito Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165), at ang Revised Penal Code para naman sa dereliction of duty. (Rommel P. Tabbad)