CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawampu’t siyam na hepe ng pulisya sa Bicol ang sinibak sa puwesto simula nitong Martes matapos mabigong makatupad sa target kaugnay ng implementasyon ng “Oplan Double Barrel” ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, na limang hepe ng pulisya ang sinibak sa Albay, lima sa Camarines Norte, at 19 sa natitirang limang provincial police office sa Bicol, kabilang ang Naga City Police Office.

Aniya, sinibak sa puwesto ang 29 na hepe makaraang matukoy ng PNP evaluators na nabigo ang mga ito na makatupad sa target ng Oplan Double Barrel simula Hulyo 1 hanggang Agosto 11, 2016.

Sinabi ni Calubaquib na ang mga nasibak na hepe ay nasa Regional Police Holding and Accounting Unit (RPHAU) sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi City at sasailalim sa refresher course habang ang ilan naman ay nasa on-leave status.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kasabay nito, nangunguna naman ang Sorsogon sa anim na lalawigan sa Bicol sa pagpapatupad ng Double Barrel matapos makakuha ng kabuuang puntos na 58.41%, kasunod ang Albay, 50.93 porsiyento at Camarines Norte, 49.32%.

Sa ebalwasyon ng PRO-5 na pinangunahan ni Regional Director Chief Supt. Melvin Buenafe, nakakuha naman ng 45.39% ang Camarines Sur, 44.70% ang Catanduanes, 36.28% ang Naga City Police Office, at 36.22% ang Masbate.

Sa kabuuan, 29 sangkot sa droga na ang napapatay sa Bicol, 325 ang naaresto, at 38,437 ang sumuko sa Oplan Double Barrel sa Bicol. (Niño N. Luces)