DAHIL masyadong nasaktan si Sen. Leila de Lima sa pagtawag sa kanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang isang “immoral” na babae dahil siya ay may driver-lover at protektor umano ng drug lords sa New Bilibid Prison (NBP), tahasan niyang itinanggi ito at sinabing siya ay magbibitiw sa puwesto at magpapabaril mismo sa harap ni RRD kapag napatunayan ang akusasyon.
Itinanggi ni Sen. De Lima na nangungolekta ng pera si Ronnie Palisoc Dayan, ang kanya umanong driver-lover, sa mga drug lord sa NBP sa panahon ng kampanya. Sabi nga ng isa kong kaibigan tungkol sa sagutan-bakbakan nina DU30 at D5:
“Sa Bibliya, sinabi ni Kristo sa mga tao na kumukondena sa isang babaeng makasalanan, na unang kumuha ng bato ang walang kasalanan at pukulin ang babae.” Sabad ng isa pang kaibigan matapos lumagok ng kape: “Parang may gusto o tendency ang mga Pinoy na iboto ang isang kandidato na babaero at makulay ang buhay. Hindi ba’t si Erap ay ibinoto rin ng mga tao noon kahit siya’y maraming babae?”.
Noong Sabado, ibinalik ni President Rody ang unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA) bilang tugon sa inihayag na tigil-putukan ng komunistang samahan noong Biyernes. Sinabi ni Presidential Peace adviser Jesus Dureza sa isang presscon sa NAIA na patungo sa Oslo, Norway para sa peace talks, na magpapatupad ang Duterte administration ng tigil-putukan hanggat kinakailangan, ‘di tulad ng sa communist rebels na pitong araw lamang.
Binigyang-diin ni Dureza na walang takdang taning ang ceasefire ng gobyerno “for as long as necessary to bring peace in the land.” Ibinalik din ang operational guidelines ng ceasefire declaration para sa AFP at PNP at iba pang security units ng pamahalaan.
Ngayon ay nasa Oslo, Norway na ang mga NDF consultants na kinabibilangan ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, Satur Ocampo, Vicente Ladlad, Edre Olalia, at iba pa. Sana naman ay magtagumpay ang pag-uusap upang magkaroon ng kapayapaan ang bansa.
Samantala, galit na galit si Davao City Mayor Sara Duterte dahil sa bintang na ang kanyang pagbubuntis ng triplets ay isang PR para sa amang presidente. Binira niya si pathologist Raquel Fortun dahil sa pag-tweet nito na para lang daw lalong sumikat si President Rody sa pregnancy report ng kanyang anak na alkalde.
Samantala, sa ginanap na hearing noong Agosto 22-23, sinabi ng mga testigo na ang pinapatay ng mga pulis ay drug assets nila at hindi drug pushers at users. Samakatuwid, kung ito’y totoo, “pinatatahimik” ang mga ito upang hindi sila malantad na sila mismo (mga pulis) ang drug protectors. Galit dito si Gen. Bato at agad sinibak ang mga nabanggit na pulis. Sige, Gen. Bato, sibakin mo ang mga pulis na scalawags at batik sa drug war ni President Duterte upang malinis ang bansa sa mga drug lord, pusher, user, at kriminal. (Bert de Guzman)