Kalaboso ang isa umanong overseas Filipino worker (OFW) matapos umanong magbayad ng pekeng pera sa isang footwear vendor sa Quiapo, Maynila nitong Linggo ng hapon.
Mahaharap sa kasong estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (RPC) o illegal possession and use of false treasury or bank notes (counterfeit peso bills), si Rihana Cabalo, 30, ng Block 1, Lot 4, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Si Cabalo ay inaresto mismo ng tinderong si Leomar Villarosa, 30, ng 718 R. Hidalgo St., Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 5:00 ng hapon nang bumili ng isang pares ng sandalyas si Cabalo kay Villarosa at nagbayad ng P1,000.
Gayunman, napansin ni Villarosa na peke ang perang ibinayad ng suspek kaya’t mabilis niya itong hinabol at dinala sa presinto.
Narekober mula sa suspek ang isang pouch bag na naglalaman ng P9,000 na hinihinalang peke rin.
Ayon kay Pascual, ipinadala na ang mga pera sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sumailalim sa Currency at Treasury Examination and Certification. (Mary Ann Santiago)