4x100 Olympic relay naidepensa ng Jamaica; Gold No. 9 kay Bolt.

RIO DE JANEIRO (AP)— Walang talo. Walang dungis. Walang kaduda-duda sa titulong GOAT!

Kung buo na ang pasya ni Usain Bolt na magretiro, siniguro niyang hindi malilimot sa kasaysayan ang kanyang pangalan at tagumpay nang pagbidahan ang Jamaica sa pagdepensa ng 4x100 relay nitong Biyernes (Sabado sa Manila) sa Rio Olympics.

Huling humawak ng baton ang pamosong si Bolt para kumpletuhin ang dominasyon ng Jamaica sa tyempong 37.27. Naungusan ng Japan ang USA sa silver medal, may .33 segundo ang layo sa kampeon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ngunit, habang nag diriwang ang Americans para sa bronze medal, isang pahayag ang nagpatigagal sa kanilang mga tagahanga.

Ipinahayag ng track opisyal na diskwalipika ang Americans bunsod umano nang maagang pagabot ng baton ng lead-off runner na si Mike Rodgers kay Justin Gatlin sa unang exchange zone ng karera. Bunsod nito, ibinigay ang bronze sa Canada. Inapela ng Americans ang naturang desisyon, ngunit hanggang sa kasalukuyan, walang pagbabago ipinahahayag ang International Athletics Federation.

“It was the twilight zone. It was a nightmare,” sambit ni Gatlin.

“You work so hard with your teammates, guys you compete against almost all year long. All that hard work just crumbles.”

Sakaling hindi mabago ang desisyon, ito ang ikasiyam na pagkakataon mula noong 1995 na nadiskwalipika ang U.S. men sa 4x100 sa Olympics at World championship.

Habang, balot ng kalungkutan ang Americans, nagdiriwang para sa isa pang tagumpay ang Jamaica.

Walang alalahanin, higit at nasa kanilang panig ang tinaguriang ‘fastest man’ sa mundo.

“As soon as I got the baton, I knew I was going to win this one,” sambit ni Bolt, nakumpleto ang kampanyang triple-triple sa ikatlong sunod na Olympics at ika-siyam na gintong medalya sa Summer Games.

Walang pang nakagagawa ng naturang marka at sa pagtatapos ng career ni Bolt, tila walang nakikitang posibleng makaduplika rito.

“Yeah, this is the last one, guys,” pahayag ni Bolt, magdiriwang ng kanyang ika-30 taong kaarawan sa Linggo, ang opisyal na pagsasara ng aksiyon at pagtatapos ng ningas sa Olympic cauldron.