Nina LESLIE ANN AQUINO, GENALYN KABILING at MARY ANN SANTIAGO

Hindi natinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa sabayang protesta kahapon na naglalayong pigilan ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar, matigas ang paninindigan ng Pangulo sa desisyon nito lalo na’t may basehang legal naman umano ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

“The President’s stance, however, remains firm: There is clarity in the regulations governing the late President Marcos burial,” ani Andanar.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kahapon, sa kabila ng kasagsagan ng malakas na ulan, dinayo ng halos 1,000 protesters ang Lapu-Lapu Shrine sa Rizal Park, Maynila, upang isigaw ang kanilang pagtutol sa planong ihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang labi ni Marcos.

Ang mga raliyista ay kinabibilangan ng human rights activists, pamilya ng Marial Law victims, estudyante, religious sector at non-government organizations (NGOs). Kasabay nito ang rally na isinagawa rin sa mga lungsod ng Baguio, Cebu at Davao.

Hinihiling ng mga ito kay Pangulong Duterte na irekonsidera ang desisyon nito na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulo.

“Mga kababayan, hindi po matatawag na isang bayani ang isang taong pumaslang sa napakarami nating mga bayani,” ayon kay Senator Risa Hontiveros.

“Tayo po at ang ating kasaysayan ng paglaban sa mga diktador at berdugo, tayo ang ibabaon sa ilalim ng lupa, katulad ng pagbaon ng diktadurya sa libu-libong biktima ng Martial Law,” ayon naman kay Senator Leila de Lima.

Sa panig ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), nanawagan ito sa Pangulo na ilibing si Marcos sa Ilocos Norte.

“We ask you to affirm to our nation’s children that wrongdoing is not something to be emulated,” ayon pa sa CEAP.

Noong Sabado, sinabi ni dating Pangulong Fidel Ramos na dapat umaksiyon ang Kongreso sa isyu, lalo na’t sila ang kinatawan ng taumbayan.

“I said officially, let the people decide. Who are the people? Our representatives and senators now sitting in Congress,” ani Ramos na nagsabing pwede namang magpatibay ng resolusyon ang mga mambabatas at sabihing iyon ang posisyon ng sambayanan hinggil sa libing ng dating Pangulo.