Isang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga at suspek din sa pagpatay sa isang pedicab driver ang nasawi makaraang manlaban sa buy-bust operation ng mga pulis sa Tondo, Maynila, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Valentin Duran, alyas “Bal-bal”, 31, nakatira sa isa sa mga barung-barong sa ilalim ng Capulong Bridge sa Tondo, Manila.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO2 Dennis Turla, ng Manila Police District-Crimes Against Person Investigation Section (MPD-CAPIS), na dakong 11:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa loob ng barung-barong ng suspek.

Nauna rito, isang buy-bust operation ang isinagawa ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 1 laban sa suspek, na hinihinalang drug pusher.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sa kalagitnaan ng transaksiyon, nakahalata umano ang suspek kaya bigla umano itong bumunot ng baril at nagpaputok.

Dito na napilitang gumanti ng putok ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakapatay sa suspek.

Ayon kay Police Supt. Redentor Ulsano, hepe ng MPD-Station 1, si Duran ay isa rin sa mga suspek sa pamamaril kay Danilo Mendoza, na hinihinalang drug pusher at asset din umano ng pulisya, nitong Agosto 3, sa Peñalosa Street kanto ng Franco Street sa Pritil.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang .38 caliber revolver na may apat na bala, at apat na plastic sachet ng shabu. (Mary Ann Santiago)