Hidilyn Diaz
Hidilyn Diaz
RIO DE JANEIRO – Pinawi ni Hidilyn Diaz ang 20 taong pagkauhaw sa tagumpay ng sambayanan sa Olympics nang masungkit ang silver medal sa women’s 53 kg. division, habang kinapos ang kanyang best friend na si Nestor Colonia sa men’s 56 kg. class ng weightlifting competition sa Rio Games nitong Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

“Thank you Lord,” sambit ng 25-anyos mula sa Zamboanga City.

“Iba po talaga pag si Lord ang nagplano. ‘Yung plano ko maka-bronze lang masaya na ako dahil talagang malalakas ang kalaban ko, pero silver pala ang plano para sa akin ni Lord.”

“Maraming-maraming salamat po sa mga dasal ng ating mga kababayan. Sa Nanay, salamat. Talagang pinagdasal ako ng Nanay ko ng todo-todo,” pahayag ni Diaz.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nagkataon o gulong ng palad, tunay na nakatadhana kay Diaz na makamit ang silver medal. Nabuhat ni Diaz ang 88 kg. sa snatch at 112 kg. sa clean ang jerk para sa kabuuang 200 kg.

Ang naturang iskor ay sapat na para sa bronze medal, higit at may dalawa pang pagkakataon si Li Yaun ng China – nagtala ng Olympic record na 101 kgs. sa unang buhat – para agawin ang panalo, subalit pumalya ang Chinese superstar sa kanyang pagtatangka na mabuhat ang 126 kg. na ikinagulat ng crowd sa Riocentro Pavilion 2.

Dahil dito, nasibak sa podium si Li at nakuha ni Shu-Ching ng Chinese-Taipei ang gintong medalya sa kabuuang nabuhat na 212 kg. at tumapos ng bronze si Yoon Jun Hee ng South Korea.

Bunsod ng panalo, si Diaz ang unang Pinay na nagwagi ng medalya sa kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa quadrennial Games at kauna-unahan mula nang magwagi ng silver medal si boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco sa 1996 Atlanta Olympics.

“Try lang ng try. Makukuha ‘nyo rin ang minimithi ninyo,” sambit ni Diaz, bilang pagbibigay inspirasyon sa kapwa niya atleta.

Ito ang ikatlong pagkakataon na sumabak sa Olympics si Diaz. Isa siyang wildcard entry noong 2008 Beijing Games at qualified sa 2012 London.

Matapos ang matikas na kampanya sa snatch kung saan nabuhat niya ang 125 kg, nabigo ang 23-anyos na si Colonia na makaiskor sa clean and jerk sa tatlong pagtatangka na mabuhat ang 154 kg.