Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang Filipino-Chinese na umano’y lango sa shabu at marijuana nang mang-agaw umano ng baril ng police escort na magdadala sana sa kanya sa pagamutan para isailalim sa medical examination, sa harapan mismo ng presinto sa Malate, Manila kamakalawa.

Dead on arrival nang isugod sa ospital si Jeffrey Ong, nasa hustong gulang, ng Unit 7-B Pacific City Land Regency, P. Ocampo St., Malate, Manila.

Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:45 ng umaga nangyari ang insidente.

Nauna rito, inireklamo ng taxi driver na si Virgilo Gamboa ang suspek nang bigla na lang umano itong sumakay sa kanyang taxi sa N. Domingo St., sa San Juan City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tinutukan umano siya ni Ong ng kalibre .45 na baril at inutusan siyang patakbuhin ang taxi at huwag na huwag siyang lilingunin.

Pagsapit umano sa tinutuluyang condominium ng suspek, dumukot si Ong ng P300 at nilamukos at ibinato kay Gamboa, bago bumaba ng taxi.

Humingi ng tulong si Gamboa sa Adriatico PCP at sinamahan siya nina PO1 Randy del Rosario at PO1 Randy Nepomuceno sa condominium upang dakpin ang suspek.

Sa presinto, inamin umano ni Ong na nakahithit siya ng marijuana at nakasinghot ng shabu.

Inatasan ni Sabulao sina PO1 Joveth Mae Rodolfo at PO1 Jessica Malaluan na dalhin sa Ospital ng Maynila si Ong para ipa-medical.

Habang papasakay na ng mobile ay hiniling ni Ong kay PO1 Rodolfo na ilipat ang kanyang mga posas sa likod na pinagbigyan naman ng pulis.

Pagkabukas ng posas ay kaagad sinunggaban ng suspek ang service firearm ni PO1 Rodolfo.

Nagkaagawan ng baril ang dalawa at dahil lalaki ay nanaig ang lakas ng suspek at naitulak si PO1 Rodolfo na bumagsak sa semento at nasugatan.

Sa tagpong iyon dumating si PO1 Malaluan at hindi na nagdalawang-isip pang paputukan si Ong. - Mary Ann Santiago