Pangungunahan ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Inter-agency Assistance to Nationals team na binubuo ng mga opisyal at technical staff ng DFA, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa Agosto 10, ipadadala ang nasabing team sa Saudi Arabia para sa agarang pagbibigay ng ayuda, kabilang ang legal at ibang consular assistance sa mga istranded na overseas Filipino worker (OFW) sa work camps doon.
Partikular na tutulungan ng team ang mga OFW na walang makain, nangangailangan ng medikal na atensiyon at iba pang serbisyo.
Sa kalatas ng DFA nitong Biyernes ng gabi, napipinto rin ang pagpapadala nito ng isang high level delegation ng senior Philippine government officials upang makipagnegosasyon at magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mga counterpart sa Saudi government.
Noong Agosto 3, nakapulong nina DFA Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. at DOLE Secretary Silvestre Bello III si Saudi Ambassador to Manila Dr. Abdullah Bin Nasser Al Bussairy para sa kooperasyon ng pagresolba sa katayuan ng mga apektadong OFWs na nagtatrabaho sa ilang nagsarang kumpanya sa Saudi Arabia.
Tiniyak naman ng Saudi Ambassador sa pamahalaan ng Pilipinas na gagawa ng hakbangin ang Saudi government upang ayudahan ang mga apektadong OFWs.
Samantala, patuloy na inaasikaso at minamadali na ng DFA ang repatriation ng OFWs na nais nang umuwi sa Pilipinas.
Handa ang DFA na magkaloob ng legal assistance sa OFWs na pursigidong makuha ang kanilang mga benepisyo laban sa mga kumpanya kahit na nakauwi na ang mga ito sa bansa. - Bella Gamotea