Idinagdag ni WBA No. 9 super lightweight Czar Amonsot ng Pilipinas ang interim WBA Oceania junior welterweight title sa kanyang mga titulo matapos talunin via third round knockout si Argentinian Christian Ariel Lopez kamakailan , sa Hisense Arena, Melbourne, Victoria, Australia.
Hawak din ang PABA at WBA Pan African super lightweight title, hindi binigyan ng pagkakataon ni Amonsot ang overweight na si Lopez na pinakiramdaman muna niya sa unang dalawang round bago pinatulog sa matinding bigwas ng kaliwang kamao eksaktong 2:59 sa ikatlong round.
Binilangan ni Aussie referee Ferlin Marsh si Lopez at idineklara ang TKO win sa Pinoy champion.
Inaasahang aangat sa world ranking si Amonsot na matagal nang nag-aambisyong lumaban sa world title fight mula nang matalo sa puntos kay Aussie Michael Katsidis noong 2007 sa Las Vegas, Nevada sa Amerika para sa interim WBO lightweight title.
Mula nang matalo kay Katsidis, nagkamada si Amonsot ng 14 na panalo at dalawang tabla kaya gusto na niyang hamunin si WBA super lightweight champion Ricky Burns ng Great Britain. (Gilbert Espena)