PH judoka, nakasingit sa Olympic Team sa Rio Games.

Sa isang iglap, nadagdagan ang tsansa ng Team Philippines para sa katuparan ng pangarap na gintong medalya sa Olympics.

Nadagdag sa Philippine delegation sa Rio Games si Filipino-Japanese judoka Kodo Nakano matapos mabigyan ng imbitasyon ng Internationl Judo Federation bunsod nang hindi inaasahang pag-atras ng atleta mula sa Iran.

Kinumpirma ni Philippine team chief of mission Joey Romasanta ang pagkakasama ni Nagano nang matanggap ang opisyal na abiso nitong Martes (Miyerkules sa Rio) mula kay Philippine Judo Federation president Dave Carter.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Only yesterday was Dave Carter and the parents of Nakano were informed about the invitation by the international federation of judo because of the withdrawal of Iran.

“But by virtue of the withdrawal of Iran, Nakano became a substitute player,” pahayag ni Romasanta.

Bunsod nito, ang 26-anyos na si Nakano ang ika-13 atleta ng Team Philippines na sasabak sa quadrennial Games na magsisimula sa Agosto 5 (Agosto 6 sa Manila).

Nakatakdang dumating sa Rio si Nakano sa Agosto 5. Sasabak siya sa +81kg division na magsisimula sa Agosto 9.

Kinatawan ni Nakano ang Pilipinas sa 2013 World Judo Championship na ginanap din sa Rio De Janeiro.

Ayon kay Carter, kabilang si Nakano sa ”waiting list” bunsod nang matikas nitong record sa world championship at Olympic qualifying meet.

“Nakano’s name and passport details were submitted to the sport entries department long before. He was in the list as a possible replacement,” pagkumpirma ni Romasanta.

Makakasama si Nakano nina long jumper Marestella Torres-Sunang, hurdler Eric Cray, marathoner Mary Joy Tabal, boxer Rogen Ladon at Charly Suarez, swimmer Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi, weightlifter Hidilyn Diaz at Nestor Colonia, table tennis Ian Lariba, taekwondo jin Kirstie Elaine Alora, at golfer Miguel Tabuena.

Nakabase sa Japan si Nakano kasama ang inang Pilipina.