Idineklara nang submitted for resolution ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ) ang kasong murder at frustrated murder laban sa road rage suspect na si Vhon Martin Tanto.

Ang preliminary investigation ay pinangunahan nina Assistant State Prosecutors Robert Ong, Honey Delgado at Jeanette Dacpano.

Hindi na nagsumite ng counter affidavit ang kampo ni Tanto.

Ayon kay Atty. Trixie Angeles, abogado ni Tanto, hindi na kailangan pang pahabain ang preliminary investigation kaya hindi na sila nagsumite ng counter affidavit.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Aniya, ang anumang depensa nila ay sa korte na lang nila ipiprisinta.

Samantala, direkta namang tinanong ng piskalya si Tanto kung paano siya bumagsak sa kamay ng awtoridad.

Ayon kay Tanto, sumuko siya sa Philippine Army, at mga sundalo ang nagdala sa kanya sa tanggapan ng Barangay Bangad sa Milagros, Masbate, at doon siya sinundo ng mga pulis.

Pero iginiit ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Percida Rueda-Acosta, abogado ng pamilya ng biktimang si Mark Vincent Garalde, na base sa joint affidavit ng anim na pulis, naaresto si Tanto kasunod ng hot pursuit operation ng pulisya.

Paliwanag ni Angeles, ang isyu ng pagdakip at pagsuko ay maaaring maging bahagi ng depensa ni Tanto kaya naungkat ito sa pagdinig. (Beth Camia)