Hindi nakayanan ng isang lalaking German ang sakit na dulot ng paghihiwalay nila ng kanyang nobya at ito ang pinaniniwalaang nag-udyok sa kanya upang wakasan ang sariling buhay sa pagbibigti sa loob ng built-in cabinet dresser sa tinutuluyan niyang bahay sa Makati City, nitong Linggo.

Kinilala ang nasawi na si Florian Schroder, 37, pansamantalang naninirahan sa No. 210 Recoletos Street, Barangay Urdaneta Village, ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO2 Alfred Reyes, ng Makati City Police-Homicide Section, dakong 1:40 ng hapon kamakalawa nang nadiskubre ang bangkay ng dayuhan na nakabigti sa loob ng isang built-in cabinet dresser sa tinutuluyan nitong bahay, matapos itong dalawin ng mga kaibigan at kapwa German na sina Christoph at Sandy Hofbeck.

Ikinabahala ng kanyang mga kaibigan ang hindi pagre-reply ni Schroder sa kanilang mga text message at tawag kaya pinuntahan na nila ito.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Batay sa huling text ng biktima, naghiwalay sila ng longtime girlfriend na si Jule Tulach na umalis na sa kanyang bahay isang linggo na ang nakalilipas para umuwi sa Germany.

May suicide note si Schroder na nasusulat sa German para sa kanyang pamilya, kaibigan, at nobya. (Bella Gamotea)