Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng pekeng tetanus antitoxin dahil sa posibilidad na makasama ito sa kanilang kalusugan.
Batay sa inisyung Advisory No. 2016-081-A, partikular na tinukoy ng FDA ang Tetanus Antitoxin (Antitet) 1500 IU/0.75 mL Solution for Injection (IM/IV/SC) at 3000 IU/0.95 mL Solution for Injection (IM/IV/SC), na pinipeke.
Ang babala ay ginawa ng FDA matapos lumitaw sa pagsusuri nito, kasama ang Marketing Authorization Holder, 2 World Traders Inc., at lehitimong supplier, Sinochem Ningbo Limited, na peke ang mga naturang produkto.
Iginiit ng FDA na ang nasabing mga pekeng gamot ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito.
Babala pa nito, ang pag-angkat at pagbebenta ng mga naturang pekeng gamot ay paglabag sa Republic Act 9711 o ang FDA Act of 2009 at RA 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs.
Pinaalalahanan din ng FDA ang lahat ng botika at pamilihan na ang pagbebenta, pag-angkat, at pamamahagi ng nasabing pekeng gamot ay mahigpit na ipinagbabawal at may kaukulang parusa.
Inatasan na rin nito ang mga inspektor ng FDA na isagawa ang kanilang mandato, ayon sa Section 14 ng RA 9711.
Hinikayat din nito ang lahat ng Local Government Units (LGUs) at iba pang mga kaugnay na ahensya na siguraduhing ang mga produktong ito ay hindi dapat na ipagbili sa kanilang mga lokal na pamilihan at botika.
Pinayuhan din nito ang publiko na bumili lamang ng mga gamot sa mga botika o pamilihang lisensyado ng kanilang tanggapan. (Mary Ann Santiago)