CONSTITUENT Assembly (ConAss) na ang magbabago sa Saligang Batas, ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez. Taliwas ito sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahong siya’y nangangampanya pa para sa panguluhan na Constitutional Convention (ConCon) ang mag-aamyenda nito. Kahit na nagwagi na siya at bago ma-organisa ang dalawang kapulungan ng Kongreso, ConCon pa rin ang sinabi niyang maiging bumago ng Konstitusyon sa pagnanais niyang maging Federalismo ang uri ng ating gobyerno. Ang ConCon ay binubuo ng mga delegadong inihahalal ng bayan, samantalang ang ConAss, ng mga mambabatas. Ang mga nakaupong Senador at Kongresista na ang mag-aamyenda ng Saligang Batas. Higit na mabilis at matipid daw ang pamamaraang ito.
Bakit sinira ni Pangulong Digong ang kanyang pangako? Noong siya ay kumandidato, alam niyang iilan lang sila sa PDP-Laban. Ang nagpapaligsahan sa dami ng kanilang kasapi ay ang Liberal Party (LP), Nationalist Peoples Coalition (NPC), United Nationalists Alliance (UNA) at Nationalist Party (NP). Ang mayora ay ang LP na normal lang na mangyari dahil ito ang partido ni Pangulong Noynoy. Nang manalo si Pangulong Digong, naganap na naman ang nakakahiya at katawa-tawang ginagawa ng mga pulitiko. Nag-ala langgam at paru-paro ang mga ito. Nag-unahan sila kung saan nandon ang matamis. Inabandona nila ang kanilang partido at umanib sila sa PDP-Laban. Ang iba naman, sa pagsapi nila sa PDP-LABAN, ay isinama pa nila ang kanilang partido na tinawag pa nilang koalisyon.
Kaya, nang magorganisa na ang dalawang kapulungan ng Kongreso at maghalal ng kani-kanilang opisyal, lumobo nang lubusan ang mga kakampi ng PDP-LABAN. Si Sen. Koko Pimintel na nag-iisang PDP-LABAN sa Senado ay naging Senate President, samantalang si Alvarez na nag-iisang PDP-LABAN din sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nahalal na Speaker of the House. Utang ng dalawa ang kanilang posisyon sa tinatawag nila ngayong “supermajority”. Ang problema, pati kung sino ang magiging minority floor leader sa Mababang Kapulungan ay pinakialaman ng supermajority. Ang kalakaran ay kung sino ang pumangalawa sa labanan para sa Speaker ay siya ang minority floor leader. Pumangalawa sa Ifugao Rep. Teddy Baguilat, pero hindi siya ang naging minority floor leader kundi si Rep. Danilo Suarez na pinili ng minorya sa botohang idinikta ng supermajority.
Kung bakit ganito ang nangyari, ang paliwanag ni Baguilat ay dahil ayaw umano ng Mababang Kapulungan na may oposisyon. Ngayon, alam na ninyo ang mangyayari kapag inamyenda ang Saligang Batas ng Con-Ass. Ito ay lulutuin.
(Ric Valmonte)