ISULAN, Sultan Kudarat - Nananalig pa rin ang maraming opisyal at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tutupad si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsusulong ng Bangsamoro Basic Law (BBL), na pinaniniwalaan nilang magbibigay ng kapayapaan sa Mindanao.

Napag-alaman na nagpulong nitong Huwebes sina MILF Chairman Ibrahim Murad, al hadz, at Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at napag-usapan ang tungkol sa federalism na isinusulong ni Duterte.

Gayunman, nabatid na naniniwala pa rin si Murad sa pagpapatupad ng BBL, na patuloy na inaasam ng maraming kasapi ng MILF.

Napag-alaman naman mula sa mga leader ng 118th, 105th, 106th, at 108th Base Commands ng MILF na nagtitiwala sila sa pamunuan ng Central Committee tungkol sa magiging kahihinatnan ng pakikipag-usap nito sa bagong administrasyon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Samantala, sa pag-iikot ni Pangulong Duterte sa magkakaibang lugar sa Maguindanao nitong Biyernes ay tiniyak niyang desidido ang kanyang administrasyon na maipatupad ang BBL, maliban na lang sa mga kuwestiyonableng probisyon nito.

Kasabay nito, pinuri ni Duterte ang MILF na piniling makipag-usap sa gobyerno para mabigyang-katuparan na ang matagal na hinahangad na kapayapaan para sa Mindanao.

“I’d like to publicly salute (MILF Chairman) Murad for opting, for choosing to talk further,” sinabi ni Duterte nang magtalumpati siya sa headquarters ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa bayan ng Sultan Kudarat.

Matatandaang taong 2014 nang nagkasundo ang MILF at ang administrasyong Aquino sa pagtatatag sa isang rehiyon na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na nagbunsod sa pagbuo sa panukalang BBL, na hindi naman naipasa sa Kongreso. (Leo P. Diaz at Ali G. Macabalang)