NOONG nangangampanya si Pangulong Digong isa sa sinabi niyang kinamumuhian niya ay ang pork barrel. Hindi raw niya pahihintulutang bumalik ito sa kanyang panahon. Ang problema, ang kanyang Budget Secretary na si Benjamin Diokno ay nagsabi na pagsusumitihin niya ang mga mambabatas ng panukala para sa kani-kanilang proyekto upang maisama ang mga ito sa mga gagastusan ng P3.35 trillion 2017 budget. Umalma si Sen. Ping Lacson dahil pork barrel din ito sa ibang uri.
Pero ayon kay Diokno, hindi ito iyong uri ng Priority Development Acceleration Fund (PDAF) na ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema. Ang PDAF aniya ay discretionary fund ng mga mambabatas na nasa kanila na kung paano nila ito gagastusin. “Sa kasalukuyang mekanismo,” wika ni Diokno, “aaprubahan muna ang proyekto bago likhain ang national budget.”
Ito ang isa sa pinakasamang sistema na naimbento ng ating mga pulitiko. Sa paraang ito, pinadudugo nila ang kaban ng bayan. Ito ang mabisang paraan para maibulsa ng mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno ang pondo ng bayan kahit ito na iyong mekanismong naisip ni Diokno. Napakadaling sabihin sa mga gagawa ng proyekto, magdaan man ito sa anumang ahensiya ng gobyerno, na ito ay kay congressman o senator. Alam na ng contractor ang SOP, ang porsiyentong kanyang ilalaan para sa mambabatas. Hindi niya makukuha ang proyekto kung ignorante siya sa kalakaran.
Sa sistema ng pagba-budget, ang ehekutibo ang nagpapanukala ng mga gagastusan ng gobyerno sa loob ng isang taon. Ang kongreso naman ang mag-aaral ng mga ito at mag-aapruba ng budget. Ang naisip ni Diokno na gawin upang hindi maging PDAF ang inilalaan niya para sa mga mambabatas ay pagsumitihin ang mga ito sa kanya ng kanilang panukala para sa kanilang mga proyekto upang masama sa national budget. Binaligtad ni Diokno ang sistema. Para sa pork barrel, ang mga mambabatas ang magsusumite ng kanilang panukala sa ehekutibo para masama ito sa budget. Dalawang bagay ang nakikita ko rito. Una, para mapadali ang pagpasa ng budget dahil naririto ang interes ng mga mambabatas. Ikalawa, para kahit paano makontrol ng Pangulo ang mga mambabatas. Ilalawit niya sa ulo ng mga ito ang paglabas kaagad ng pondo para sa kanilang proyekto sa bawat pabor na hihingin nito sa kanila. Pero, kahit saan tingnan, maanomalya ang bigyan ng pondo ang mga mambabatas para umano sa kanilang proyekto dahil ang tungkulin nila ay gumawa ng batas.