NEW YORK – Inihayag ng One Direction singer na si Liam Payne nitong Huwebes na binubuo niya ang kanyang sariling album. Si Liam ang pinakahuling member ng boy band na umalis sa grupo.
Inihayag ng 22 taong gulang na singer sa Twitter na pumirma na siya ng kontrata sa Capitol Records para i-record ang kanyang debut solo album.
“One Direction will always be my home and family but I’m very excited to see what this chapter brings,” aniya.
Dahil sa pahayag na ito ng singer, lalong tumindi ang pagdududa ng kanilang fans kung babalik pa ang banda mula sa kanilang pamamahinga.
Inilabas ng banda noong Nobyembre ang kanilang panglimang album na Made in the A.M., kasabay ang kanilang pahayag na sila ay mag-i-infinite hiatus ngunit hindi maghihiwa-hiwalay.
Nang panahong iyon, umalis na ang isa sa kanilang mga miyembro na si Zayn Malik, na tuluyan nang bumitaw sa malinis na imahe ng grupo, at naglabas ng racy, R&B album na Mind of Mine noong Marso.
Si Harry Styles naman ay sinasabing nakakuha ng magandang recording deal sa label ng One Direction na Columbia Records.
Ang banda, na kinabibilangan din nina Louis Tomlinson at Niall Horan ay unang nakilala noong 2010, nang sumali sila sa British television contest na The X Factor.
Nagpatuloy ang banda at naglabas ng radio-ready pop taun-taon kasabay ng holiday shopping season, at naging isa sa highest-grossing live acts sa mundo.
Ang deal ng Capitol Records kay Payne ay isang tagumpay para sa kompanya, na ngayon ay nasa ilalim ng Universal umbrella, samantalang lahat ng ibang kanta ng grupo ay produced ng Sony.
(MB ‘Entertaiment) (Isinalin ni Adrianne Diaz)