“Sa letrang o…”

Ito ang huling salitang namutawi sa mga labi ng isang 46-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek, habang abala ang una sa paglalaro ng “bingo” sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng hapon.

Dead on the spot si Elbert Javier, ng No. 171 A. Palon St., Barangay 69 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay SPO1 Joselito Barredo, dakong 5:00 ng hapon, abalang-abala sa paglalaro ng bingo ang biktima kasama ang mga kapit bahay sa Palon St., Bgy. 69, Caloocan City.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Habang bumobola umano si Javier, biglang nagsulputan sa lugar ang apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Dalawa sa mga ito ang lumapit sa biktima at pinagbabaril ang huli at agad nagsitakas.

Nagsigawan sa takot ang mga kapit bahay ni Javier at ang iba sa mga ito ay tinangka pa siyang dalhin sa ospital, ngunit huli na ang lahat.

Nabatid noong Hulyo 13, sumuko sa mga pulis si Javier dahil sa paggamit nito ng ilegal na droga.

Malaki ang posibilidad na drug syndicate ang nasa likod ng pagpatay kay Javier dahil ayaw na umano nito, ayon sa mga kapit bahay, magbenta ng shabu. (Orly L. Barcala)