Hindi na muli pang nasikatan ng araw ang isang family driver sa Sta. Ana, Manila kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Anthony Giray, 46, family driver ng pamilya Alvaran at stay-in sa 2535 Suter Extension, Sta. Ana, Manila.

Batay sa ulat ni SPO2 Charles John Duran, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na ang pagkamatay ng biktima ay nadiskubre ni Cyline Magpatoc, 40, stay-in housemaid ng pamilya Alvaran.

Huli umanong nakita ang biktima dakong 11:00 ng umaga, kamakalawa, nang umuwi ito matapos ipagmaneho ang kanyang amo.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Dumiretso umano sa kanyang kuwarto si Giray upang magpahinga ngunit hindi na ito muli pang lumabas.

Nang gisingin na umano ni Magpatoc ang biktima dakong 7:00 ng umaga kahapon, nagtataka na ang una kung bakit hindi umiimik ang biktima at napansin nitong hindi na humihinga at wala na ring pulso.

Walang anumang indikasyon na sinadya ang pagkamatay ng biktima kaya’t hinala ng mga awtoridad ay inatake o binangungot ito. (Mary Ann Santiago)