Sa kasagsagan ng matinding laban ng gobyerno sa ilegal na droga na una nang ipinangakong susugpuin ng hanggang anim na buwan, iginiit ng grupo ng mga consumer at commuter na dapat ding tutukan ni Pangulong Duterte ang pagbibigay-tuldok sa isa pang salot sa bansa, ang smuggling.
Tinukoy ng United Filipino Consumers & Commuters (UFCC) na nagiging daan sa pagpasok sa bansa ng ilegal na droga, sinabi ng grupo na nagbubunsod din ang smuggling ng malaking pagkalugi sa “lokal na negosyo ng konstruksiyon, agrikultura, at iba pang mga industriya”.
Sinabi ng UFCC na batay sa opisyal na datos ng gobyerno, umaabot sa P547 milyon araw-araw o P200 bilyon bawat taon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa smuggling.
Dahil dito, kinumpirma ng grupo ang pakikiisa nito sa “all-out war” ng Bureau of Customs (BoC) laban sa smuggling, gayundin sa determinasyon nina Pangulong Duterte at BoC Commissioner Nicanor Faeldon na sugpuin ang lahat ng uri ng kurapsiyon.
“Sinusuportahan namin ang bawat hakbang ng BoC para sugpuin ang problema ng smuggling. Kasama rito ang planong pagpa-fastrack ng computerization sa BoC at ang ‘five days to five hours’ para maibsan ang pagpoproseso ng mga imported shipment,” saad sa pahayag ng UFCC.