BAGUIO CITY - Limang sangkot sa droga ang magkakasunod na nasawi sa loob lamang ng apat na araw, at labis nang nababahala ang mga residente sa sunud-sunod na summary execution na iniuugnay sa Oplan Double Barrel ng pulisya.

Laging hindi natutukoy ang mga suspek sa pagpaslang sa mga biktima na pawang nasa drug watch list ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera.

Hulyo 22 nang dalawang suspek sa ilegal na droga ang napatay sa shootout sa mga tauhan ng City Anti-Illegal Drug Unit ng Baguio City Police Office sa buy-bust operation sa Kayang Extension. Isa sa mga suspek ang kinilalang si Nash Palomique.

Umaga ng Hulyo 21 naman nang binaril at napatay si Marvin Llamido Lazate, ng Guisad Central, barker at sinasabing sangkot sa droga, sa Lower Magsaysay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kinahapunan, nasawi rin ang ika-39 na drug personality sa siyudad na si Joel De Dios Nider, 35, negosyante, ng Bakakeng Central, makaraang barilin sa covered court ng Slaughter Compound sa Barangay Sto. Niño.

Patay din ang jeepney driver na si Paul Simeon Lee, 47, ikasiyam sa drug watchlist, matapos ratratin nitong Hulyo 19 malapit sa kanyang bahay sa Aurora Hill. (Rizaldy Comanda)