CAGAYAN DE ORO CITY – Mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa pagkakatupok ng magkakadikit na kabahayan sa Barangay 17 sa siyudad na ito, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay SFO1 Dennis Dalis, nagsimula ang sunog sa dalawang-palapag na bahay ng pamilya Burias, dakong 12:18 ng umaga. Bandang 4:15 ng umaga na nang tuluyan itong maapula.
Tinaya ni Dalis sa P5 milyon ang pinsala ng sunog, ngunit hindi pa natutukoy ang sanhi nito.
Isang tao, na hindi pa pinapangalanan, ang napaulat na nasawi, ngunit hindi dahil sa sunog kundi dahil sa atake sa puso na pinaniniwalaang dulot ng panic.
Isa namang sundalo, na tinukoy ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangalang Stevenson Acaylar, at miyembro ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, ang nasugatan sa kaliwang binti habang tumutulong sa rescue team.
Sinabi ni Goldmar Ebabacol, chairman ng Bgy. 17, na pansamantalang tumutuloy ang mga nasunugan sa ilalim ng Marcos Bridge, at pinagkalooban na ng bigas at de-latang pagkain. (Camcer Ordoñez Imam)