Nalagay sa balag ng alanganin ang kampanya ng Cebuana Lhuillier-Philippine Davis Cup team nang mabigo sa Chinese Taipei sa unang dalawang singles match nitong Biyernes, sa Philippine Columbian Association (PCA) shell courts sa Paco, Manila.

Nagapi ni Taiwanese top player Ti Chen si Ruben Gonzales, 6-2, 2-6, 6-2, 6-2, habang namayani si Huang Liang-chi kontra kay Francis Casey Alcantara, 6-1, 3-6, 6-7 (4), 6-1, 1-0 (retirado) sa ikalawang singles duel, sapat para makuha ang 2-0 abante sa kanilang Davis tie.

Tangan ni Alcantara ang 4-2 bentahe sa third set, ngunit nagawang makabangon ni Huang para maipuwersa ang tiebreak.

Kahit nagawang maipanalo ng 24-anyos na si Alcantara ang naturang set point, bumaba ang pagiging agresibo ng Pinoy dulot ng pulikat.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bunsod ng kabiguan, kakailanganin ng Pilipinas na makasingit ang tambalan nina Treat Huey at Jeson Patrombon sa doubles event para mapanatiling buhay ang kampanya sa kanilang Asia/Oceania Group 2 semifinal tie.

Naging matatag si Chen, ranked No. 226 sa singles at 140th sa doubles, sa kabuuan ng laro para maibigay sa Taiwan ang 1-0 bentahe.

“He played good, the credit goes to him as well,” sambit ng 30-anyos na si Gonzales. “There were opportunities but I could not capitalise on them.”

May ilang pagkakataon na nagawang masabayan ni Gonzales si Chen, subalit lubhang matikas ang baseline drop ng Taiwanese star.

“Shot for shot and experience wise, we can’t match Chen,” pahayag ni non-playing captain Karl Santamaria.

“So we felt that we really had to try something. And for a while it was working,” aniya.