Binalaan kahapon ng Anti-Carnapping Unit ng Pasay City Police ang mga rental car owner sa modus operandi ng mga carnapper, kasunod ng pagkakadakip sa tatlong suspek sa isang entrapment operation sa lungsod, nitong Biyernes ng gabi.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Fencing Law (PD 1612) at RA 6539 (Carnapping) sa Pasay Prosecutor’s Office sina Arnold Castillo, 38; Regen Gallanit, 42, kapwa tubong Zamboanga Sibugay; at Joemix Akaitan, 39, ng Barangay Binungkalan, Cebu.
Sa ulat na natanggap ni AnCar Chief Senior Insp. Maynard Pascual, dakong 10:10 ng gabi kamakalawa nang nagkasa ng operasyon ang mga pulis sa parking area ng Sogo Hotel-Rotonda Branch sa EDSA-Taft Avenue.
Nabawi ng awtoridad sa mga suspek ang isang gray Toyota Hi-Ace (YW-5756) na pag-aari ni SPO1 Elizer Gilbert, na nakatalaga sa Nueva Ecija Police Provincial Office.
Nagkunwari ang mga suspek na rerentahan sa napagkasunduang halaga ang Toyota Hi-Ace ni Gilbert subalit tuluyang tinangay ng mga ito ang nasabing sasakyan.
Dahil dito, pinaalalahanan ng awtoridad ang publiko, partikular sa mga may-ari ng car rental na mag-ingat sa ganitong modus ng masasamang elemento o grupo upang hindi mabiktima. (Bella Gamotea)