NAGHAIN na si Sen. Leila de Lima ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ng Senate Committee on Justice at Human Rights ang mga nangyayaring patayan kaugnay sa ilegal na droga. Kinakatigan siya nina Sen. Angara at Sen. Pangilinan na mga kapwa nasa Partido Liberal. Tutol naman dito sina Sen. Win Gatchalian, Ping Lacson, at Tito Sotto. Higit na nasa kapangyarihan daw ito ng Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (NAPOLCOM).
Bago pa ang paghahain ni Sen. De Lima ng resolusiyon, binatikos na niya ang mga pagpatay na ginagawa ng mga pulis sa mga umanoy sangkot sa droga. Kaya, kinuyog siya ng tatlong opisyal ng administrasiyon na sina Solicitor General Jose Calida, Justice Secretary Vitaliano Aguirre, at Presidential Legal Counsel Sal Panelo.
“Hindi namin hahayaan na mapigil pa ang ginagawa ng PNP para pairalin ang utos ng Pangulo na masugpo ang problema sa droga,” wika ni Calida. Sinabihan niya ang mga pulis na huwag matakot sa anumang imbestigasiyong gagawin ng Kongreso.
Nakahanda, aniya, ang kanyang opisina para idepensa sila. “Titingnan namin kung ang imbestigasiyon ay gaganapin sa layuning makagawa ng batas. Kapag hindi, papayuhan ko kayo na huwag kayong dumalo,” sabi pa ni Calida.
“Arogante itong si Calida,” wika naman ni Drilon. Hindi aniya pwedeng pigilin ang Senado sa pagganap ng kanyang tungkulin na imbestigahan ang mga extrajudicial killing na nangyayari sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Samantalang kapuri-puri raw at sinusuportahan nila ang ginagawa ng PNP, hindi naman basta mananahimik ang Senado sa harap ng maramihang pagpatay.
Ang problema, ang maingay na nangunguna para imbestigahan ang mga pagpatay ng mga taong sangkot sa droga ay si De Lima. Mayroong pinalalabas na hindi maganda sina Aguirre at Panelo sa panahon na siya ang kalihim ng Department of Justice. Sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) ay may mga nahuling gumagawa ng shabu. Ang bentahan ng shabu sa labas ay nagbubuhat sa loob ng piitan ng mga drug lord. Eh, ang Bureau of Correction (BuCor) ay nasa ilalim ng pamamahala ni De Lima. Kaya, imposible umanong hindi niya alam ang paggawa at bentahan ng shabu sa NBP. Ang dapat na nangunguna sa Kongreso laban sa ginagawa ng administrasiyon na kampanya laban sa droga ay iyong walang dalang bagahe upang huwag mapalabo ang napakahalagang isyu. (Ric Valmonte)