NICE, France (AFP/CNN) – Inararo ng truck na puno ng armas at granada ang isang mataong resort sa Nice noong Huwebes ng gabi, na ikinamatay ng 84 katao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.

Tinawag ni President Francois Hollande na ‘’terrorist attack” ang pangyayari habang nanonood ng Bastille Day fireworks display ang mga biktima.

Nabaril at napatay naman ang driver matapos isagasa ang truck sa gitna ng mga nagsasayang tao na nakalinya sa Promenade des Anglais, nagbunsod ng nakahihilakbot na takbuhan ang dalawang kilometrong pag-araro ng trak na nang matapos ay nag-iwan ng daan-daang kataong patay at sugatan.

“All we see is this truck along the boardwalk, just ploughing through people, just bodies getting hit and people running in all directions,” sabi ng saksing si Tony Molina sa CNN. Idinagdag niya na kasunod ng pananagasa, ay narinig ang sunud-sunod na putok ng baril.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sinabi ng mga awtoridad na natagpuan nila ang identity papers na pag-aari ng 31-anyos na French-Tunisian citizen sa truck, gayundin ang maliliit at mahahabang armas. Ang driver ng truck ay residente ng Nice, ayon sa pahayagang Nice Matin.

Sa televised national address nitong Biyernes, tinawag ni Hollande ang pag-atake na ‘’undeniable terrorist nature”, kasabay ng pagdeklara ng pagpapalawig sa state of emergency na magtatapos sana sa Hulyo 26, ng tatlong buwan pa dahil sa nangyari sa Nice.

Kinumpirma niya na ilang bata ang kabilang sa mga namatay sa pagsama-sama ng mga pamilya para ipagdiwang ang national day ng France. Labinwalo sa mga sugatan ay kritikal.

Nangyari ang pagdanak ng dugo sa Bastille Day, isang pagdiriwang ng lahat ng mahalaga sa France, ang secular republic nito at ang values ng ‘’Liberte, Egalite, Fraternite’’ (Freedom, Equality, Fraternity).

Ito ang ikatlong pinakamalaking pag-atake laban sa France sa loob ng halos 18 buwan at sinabi ng prosecutors na hahawakan ng anti-terrorist investigators ang imbestigasyon.

“We are in a war with terrorists who want to strike us at any price and in a very violent way,” sinabi ni France Interior Minister Bernard Cazeneuve.

MGA PINOY, PINAG-IINGAT

Pinayuhan ng Philippine Consulate sa Paris ang mga Pinoy na naninirahan at bumibisita sa France, partikular sa Nice, na mag-ingat at hangga’t maaari ay manatili sa kanilang mga tirahan o hotel, kasunod ng Bastille Day attack.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Aileen Mendiola-Rau, Philippine consul general sa Paris, na wala pa silang natatanggap na ulat kung mayroong Pinoy na kabilang sa mga namatay. Patuloy na beneberipika ng French authorities ang mga detalye ng mga biktima.