SA pagitaan ng Constitutional Convention (Con-Con) at Constitutional Assembly (Con-Ass), ang una ang mistulang pinapaboran ng mga pinuno sa Senado, kabilang na sina Senate President Franklin Drilon at Sen. Aquilino “Koko” Pimentel, na inaasahang maihahalal bilang susunod na Senate president.
Kapwa naghain sina Drilon at Pimentel ng mga panukala na nagsusulong sa muling pag-aaral sa umiiral na 1987 Constitution at sa pag-amyenda rito sa pamamagitan ng Con-Con. At habang abala ngayon ang Commission on Elections sa paghahanda para sa barangay elections sa Oktubre, sa pamamagitan ng sarili niyang panukala ay nanawagan si Senador Juan Miguel Zubiri ng paghahalal sa mga magiging delegado ng Con-Con, kasabay ng pagboto sa mga susunod na opisyal ng barangay. Malaki ang matitipid kung maisasakatuparan ito.
Saklaw ng panukala ni Zubiri ang mga probisyon na kinakailangang pagdebatehan at talakayin. Kabilang sa mga ito ang panukalang nagsasabi na bukod sa 81 halal na delegado mula sa 81 lalawigan, dapat na may lima pang halal na delegado mula sa National Capital Region, at 14 na iba pa na itinalaga naman ni Pangulong Duterte—upang makabuo ng kabuuang 100 kasapi ang kumbensiyon.
Sa paghahalal sa mga lalawigan, maisasantabi ang katotohanan na ang ilang probinsiya, gaya ng Cebu, Pangasinan, at Cavite ay masyadong malaki ang populasyon kaya dapat na hindi lamang iisa ang delegado nito—kumpara sa halimbawa ay, Batanes. Mas mainam ang maghalal ng isang delegado mula sa bawat distrito.
Malaki rin ang posibilidad na kontrahin ang pagsasama-sama ng mga itinalagang delegado at ng mga halal na delegado sa isang hybrid convention. Pinahihintulutan ng Konstitusyon ang alinman sa Con-Con o Con-Ass, at nariyan pa ang People’s Initiative bilang ikatlong posibilidad. Walang probisyon para sa isang hybrid convention, gaya ng iginigiit ng panukala ni Zubiri.
Samantala, sa Kamara de Representantes ay napaulat na pabor ang mga bagong opisyal ng Mababang Kapulungan, sa pangunguna ni incoming Speaker Pantaleon Alvarez ng Davao City sa Con-Ass kaysa Con-Con. Sa isang Constitutional Assembly, bubuuin ng mga halal na senador at kongresista ang grupong lilikha ng bagong Konstitusyon. Malaki ang matitipid dito, dahil hindi na magdaraos ng eleksiyon.
Gayunman, maaaring hindi paboran ng ilan ang ideyang ito dahil ang mga kasapi ng Con-Ass ay inihahalal upang magpatibay ng mga batas, gaya ng mga senador o kongresista. Samantala, ang mga delegado ng Con-Con ay magiging mga pinuno na partikular na inihalal para sa pagbuo ng Konstitusyon at inaasahan, at dapat lang, na may kaakibat na kapangyarihang legal at constitutional.
Ang lahat ng usaping ito kaugnay ng pag-amyenda sa Konstitusyon ay dapat na agarang maresolba. Pagkatapos, matututukan na natin ang mga pagbabagong dapat gawin sa Konstitusyon. Ito ang ating pangunahing layunin. Magbubuo tayo ng isang Konstitusyon na magsisilbing puso at isip ng ating bansa, ang pangunahing batas na gagabay sa pamamahala sa Pilipinas sa susunod na mga taon.