MOSCOW (AP) — Makalalaro sa Olympic si Russian long jumper Daria Klishina, ngunit sandamakmak na negatibong pahayag ang natatanggap niya sa social media bunga ng pagpayag na maglaro sa ilalim ng “neutral flag”.
Matapos katigan ng International Olympic Committee (IOC) ang desisyon ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) na patawan ng suspensiyon ang buong Russian Team, umapela ang Russian athletes, higit yaong hindi kabilang sa iskandalo ng doping na palaruin sila sa Rio Games.
Ngunit, si Klishina – US-based Russian athlete – ang pinayagan na makalaro, subalit hindi niya dadalhin ang bandila ng Russia.
Ayon sa IAAF, pinayagan nila si Klishina dahil sa “exceptional eligibility criteria.”
Ngunit, hindi ito naibigan ng kanyang kababayan na tinawag siyang traydor.
“Russian athletes, the only thing you have to do in order to compete in the Olympics is to give up the banner of your country,” pahayag sa mensahe Twitter. “Do give up the shameful Russian flag!”
Tinuligsa rin ng state-owned Rossiyskaya Gazeta sa kanilang editorial ang desisyon ni Klishina.
“They’ve allowed only one Russian, the long jumper Daria Klishina, to compete at the Olympics only because she trains in the United States,” sambit ng beteranong sports journalist na si Nikolai Dolgopolov. “How silly is that?”
Ipinagkibit-balikat lamang ni Klishina ang mga tirada at sinabing umaasa siyang mapapayagan din ang ibang Russian athlete na makalaro sa Rio Games.
“It is not like I started training in the United States with an American trainer a month ago,” pahayag ni Klishina.
“I have been there for three years now, that is why I think it is wrong to accuse me and call me a traitor of the motherland. I still hope that it won’t be just me who gets to go to Rio.”
Mahigit 80 Russian athlete ang umapela sa IAAF, ngunit si Klishina lamang at ang doping whistleblower na si Yulia Stepanova ang pinayagan ng athletics body.