Naisumite na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang paliwanag at klaripikasyon nito sa Commission on Audit (CoA) kaugnay sa biniling mga high-end mobile phone at electronic gadget.

Ito ang reaksiyon ni OWWA Administrator Rebecca Calzado sa mga lumabas na ulat sa pahayagan na kinukuwestiyon ng CoA ang labis na pagbili ng ahensiya ng mga Apple iPad at iPhone at mahigit sa isang gadget ang ibinigay sa ilang empleyado ng ahensiya.

Nilinaw ng OWWA na limitado ang pagbili nito sa mga naturang gadget at ang mga iPhone unit ay “free” bilang kasama sa alok na mga post-paid plan sa ilalim ng 24-month lock-in period na kinuha ng ahensiya. Mas matipid din umano ang mga post-paid plan kaysa bumili ng mga hiwalay mobile phone.

Kinumpirma ni Calzado na naipasa na ang listahan ng aktibong iPhone unit at ng mga empleyado na gumagamit nito upang ipakita na walang opisyal ang naisyuhan ng mahigit sa isang mobile phone.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Ayon sa OWWA, ibinigay ang mga iPad sa mga pangunahing opisyal dahil kailangan nila ito sa pagsusuri at pagpapadala ng “urgent and important e-mail messages” kapag nasa labas ng tanggapan gaya ng pagdalo sa interagency meetings at ibang official functions. (Bella Gamotea)