SA isang bahagi ng Barangay San Juan, Taytay, Rizal ay may isang diversion road na kung tawagin ay Highway 2000. May dalawang kilometro ang haba nito at may dalawang lane. Ang papasukan nito, kung nagmula ang motorista sa Rizal, patungo ng Metro Manila ay sa may palengke ng Taytay. Lalagos sa Barkadahan Bridge at Manggahan Floodway. At kung ang motorista ay patungo sa Taguig City, pagkalampas sa Highway 2000 ay maaaring dumaan sa C-6. Ang mga motorista at pampasaherong dyip na ibig makaiwas sa trapik sa Ortigas Avenue extension sa Cainta at Taytay ay sa Highway 2000 ang kanilang alternatibong daan.
Ang Highway 2000 ay proyektong sinimulan sa panahon ni dating Taytay Mayor Gody Valera. At upang mapondohan ang proyekto ng Highway 2000, inilapit kina dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr., at dating Rizal Congressman Dr. Bibit Duavit. Pinagtulungang pondahan ng dalawang mataas na opisyal ng lalawigan ng Rizal ang proyekto. Naging sementado ang Highway 2000.
Natuwa ang motoristang taga-Rizal sapagkat hindi na sila naparusahan ng trapik sa Ortigas Avenue extension. Ngunit makalipas ang ilang taon, ang Highway 2000 ay unti-unting nasira. Naging lubak-lubak, maalikabok tuwing tag-araw at maputik naman kung tag-ulan at binabaha pa. Ang dahilan ng pagkasira ay ang pagdaan ng malalaking truck. Naging parusa sa mga motorista kung kaya’t inilapit nila ang problema ng Highway 2000 kina dating Rizal Governor Jun Ynares III (mayor ngayon ng Antipolo City) at Rizal Representative Joel Roy Duavit.
Nagtulong na makakuha ng pondo sa Department of Public works and Highways (DPWH). Nabimbin ang tulong ng DPWH. Naging malaking tulong naman ang pagkakalipat ni District Engineer Roger Crespo sa Rizal Engineering District. Nag-follow up sa DPWH kasama sina Gov. Jun Ynares at Congressman Duavit. Napondohan ang Highway 2000. Ito ay binubuo ng dalawang bahagi; ang unang bahagi ay ang Rizal Engineering District ang magpapagawa at ang ikalawang bahagi ay ang DPWH Region IV-A.
Matapos ang ground breaking noong Enero 5, 2015 na pinasalamatan ni Rizal Gov. Nini Ynares sina Antipolo City Mayor Jun Ynares, Congressman Joel Duavit, at District Engineer Roger Crespo, ay sinimulan ang pagpapagawa sa Highway 2000.
Ayon kay District Engineer Roger Crespo, matatapos ang Highway 2000 ngayong Hulyo o sa Agosto. Malaki ang pagbabago ng Highway 2000. Ang dating dalawang lane ay apat na ngayon.
Kapansin-pansin na habang patapos na ang pagkukumpuni sa Highway 2000, nagsusulputang parang kabute naman ang mga itinayong business establishment sa lupang katabi at malapit sa Highway 2000. Maging sa Manggahan floodway ay marami na ring itinayong bahay-kalakal, residential house, apartment at gasoline station.
Sa pagbubukas ng Highway 2000, malulugod ang mga motoristang taga-Rizal at iba pang daraan dito sapagkat mabilis na ang kanilang biyahe. Kasabay nito ang pasasalamat sa mga opisyal ng lalawigan at sa DPWH-Rizal Engineering District 1, sa pangunguna ni District Engineer Roger Crespo. (Clemen Bautista)