Dadalo sa unang pagkakataon si Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo sa pagpupulong ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ngayong Lunes.
Sinabi ni Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Robredo, na malaki ang posibilidad na tutukuyin ang papel ng bise presidente sa administrasyong Duterte bilang bagong chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa unang beses na pagdalo nito sa Cabinet meeting.
“Sa tingin po namin ay hindi lamang po para roon sa sektor na kanyang pagsisilbihan pero magkakaroon po talaga siya ng mas aktibong bahagi dito sa administrasyon ni Pangulong Duterte,” sinabi ni Hernandez sa panayam sa radyo.
Ngayong nagkaayos na ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, naniniwala si Hernandez na magkakatulungan ang mga ito sa pagsusulong ng “pagbabago” sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Matatandaan na tinanggap ni Robredo nitong Hunyo 7 ang alok ni Duterte na pamunuan ang HUDCC sa kabila ng mga unang pahayag ng Pangulo na wala siyang balak na bigyan si Robredo ng puwesto sa Gabinete dahil uunahin niyang bigyan ng posisyon ang mga kaalyado sa pulitika.
Matapos tanggapin ang HUDCC chairmanship, nangako si Robredo na babawasan ang backlog sa housing program ng gobyerno na aabot sa 1.4 na milyong unit. - Raymund F. Antonio