POZORRUBIO, Pangasinan – Inspirasyon ang matapang at astig na personalidad ni Pangulong Rodrigo Duterte, lumikha ang anak na babae ng kilalang panday na Pangasinense ng “Duterte Sword”.
Ang pagpapangalan ng espada sa ika-16 na pangulo ng bansa ay ideya ni Joyce de Guzman, 27 anyos, na siya na ngayong nangangasiwa sa Neneng’s Cutlery makaraang pumanaw ang kanyang amang si Filomeno De Guzman noong Mayo 2016.
Kuwento ni Joyce: “Matapos pumanaw ang aking ama, sinikap naming pangalanan ang bawat espada na ginawa niya, at itong isang ‘to ay nananatiling walang pangalan.”
Gumagawa ng Neneng’s Cutlery ng mga espada, kabilang ang Katana, moon crescent, Viking swords, Celtic knives, at mga Roman at Greek infantry sword.
Ang Duterte Sword, na ang talim ay may habang 27 pulgada at ang hawakan ay nasa pitong pulgada, ay may kakaibang hugis kamao sa dulo ng hawakan nito.
“’Yung kamao sa dulo, naaalala ko si President Digong, lalo na dahil nakakuyom ang kamao niya, nakasuntok paitaas. Ito ang nagbigay sa amin ng ideya para pangalanan itong Duterte Sword,” sabi ni Joyce.
Dagdag pa ni Joyce, isinisimbolo ng espada ang magiting na pakikipaglaban ng gobyerno ngayon kontra sa ilegal na droga at kriminalidad.
Sumikat ang Neneng Cutlery noong unang bahagi ng 2000, matapos itong gumawa ng mga replica sword ng Japanese samurai, Roman Gladiators, at ng mga espadang ginamit sa mga pelikulang Hollywood, kabilang ang “Conan”, “The Last Samurai”, at “Braveheart”.
At ngayong unti-unti nang nakikilala ang Duterte Sword, sinabi ni De Guzman na muling sumisigla ang kanilang negosyo.
“Plano naming gumawa ng mas maraming ganitong espada dahil dumadagsa na ang mga local order, dahil na rin sa kasikatan ni President Duterte,” ani Joyce.
“Umaasa lang kami na sana balang araw ay maibigay namin ‘tong espada na ‘to kay President Duterte, bilang regalo, sakaling magawi siya rito sa Pangasinan,” sabi pa ni Joyce. (Jojo Riñoza)