MABUTI’T ipinaliwanag ni Pangulong Duterte kung kailan puwedeng pumatay ang mga pulis ng hinuhuli nilang kriminal o sangkot sa droga. Nasa Revised Penal Code, aniya, na kapag ang inaaresto ng pulis ay lumaban at nalagay sa panganib ang buhay ng pulis, puwede nitong patayin ito. Napakahalaga ng sinabing ito ng Pangulo. Dahil ang una niyang sinabi ay patayin ang mga sangkot sa droga at may pabuya pa siyang ibibigay sa mga nakapatay lalo na sa mga drug lord.

Kaya, bago iyong tinurang paliwanag ng Pangulo, halos araw-araw ay may pinapatay ang mga pulis na sangkot sa droga, na umaabot na raw sa mahigit animnapu.

Para bang noong martial law, nang magtatag si Pangulong Marcos ng Secret Marshalls at Crimebusters na binubuo ng mga pulis. Armado at nakasibilyan ang mga ito na sasakay sa pampublikong sasakyan para patayin ang matitiyempuhan nilang mga holdaper na bumibiktima ng mga pasahero. Araw-araw ay may mga katawan ng tao na nakabulagta sa kalye na wala nang buhay dahil sila raw ay mga holdaper. Hindi naman maliwanag kung pinatay ang mga ito habang nanghoholdap. Kung mga mahirap ang pinatay ng pulis dahil sila ay sangkot sa droga, mahirap din ang mga biktima ng Secret Marshalls at Crimebuster.

Walang pagkakaiba ang mga pulis na ngayon ay pumatay ng mga umano ay sangkot sa droga sa mga Secret Marshalls at Crimebusters na pumatay noon ng sinabi nilang mga holdaper. Pulis na nga sila, ginampanan pa nila ang tungkulin ng tagausig, hukom at executioner. Ito ang bunga kapag ang nasa gobyerno ay gumamit ng shortcut na paraan sa pagbaka sa krimen.

Ang huling sinabi ni Pangulong Duterte sa mga maykapangyarihan, puwede lang nilang patayin ang kanilang inaaresto kapag nanlaban ito at nalagay sa peligro ang kanilang buhay, dahil talaga namang pinahihintulutan ito.

May batas o wala, karapatan mong idepensa ang iyong sarili kahit sa paggamit mo ng dahas ay mapatay mo ang iyong inaaresto. Batas ito ng kalikasan. Marahil dahil sa huling sinabi ng Pangulo, hindi na basta papatay ang mga pulis na sangkot sa krimen o droga, maliban na lang kung sadya nilang pinatay ito dahil mapapahamak sila. Mag-iimbento sila ng dahilan para magawa ito. (Ric Valmonte)