TEKA muna mga bro natin sa hanay ng Quezon City Police Department (QCPD), hinay-hinay lang sa pagtutumba ng mga drug pusher at iba pang kriminal at baka naman masobrahan na kayo sa kakapaandar kay incoming President Rodrigo Roa Duterte (RRD) bago siya pormal na maupo bilang pangulo sa Hunyo 30.

Walang duda, kung ang pagbabatayan ay ang bilang ng mga napatay umano sa mga engkuwentro at ang pagsuko ng mga adik at pusher sa QCPD kayo na ang panalo at siguradong pumapalakpak na maging si RRD sa mga accomplishment ninyong ito.

Ako rin mismo saludo sa inyo. Bakit nga ba hindi, eh isipin ninyo na lang, iyong nakikita kong nakatimbuwang sa Quezon City sa loob lamang ng halos isang buwan ay hindi ko nakita sa loob ng halos 30 taon bilang isang police reporter at pagsama sa mga operasyon ng mga anti-drug operative sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Pero, teka muna nga – nitong weekend, di kalayuan sa UP campus at Visayas Avenue, sa isang napakadilim na lugar, may tatlong nakatimbuwang na mga tulak umano ng ipinagbabawal na gamot. Napatay umano ang tatlong HINDI PA RIN NAKIKILA ng mga operatibang naka-engkuwentro ng mga ito matapos ang isang BUY-BUST operation.

Naman…subject ng isang BUY-BUST operation ay hindi pa rin nakikilala! Ang mga operasyon na tulad nito na nasamahan ko, nagsu-surveillance muna, inaalam kung sinu-sino ang mga subject bago mag-final briefing kung kalian, saan at paano isasagawa ang operasyon. Samakatuwid, ang lahat ng subject ng BUY-BUST operation ay kinakailangang IDENTIFIED na bago pa man sila mahuli at mapatay kung lalaban man – at least, kahit initial info nila mayroong alam na ang mga operatiba. Imposibleng magsagawa ng buy-bust sa grupong hindi mo pa nakikilala, ‘di ba mga bro?

Numero UNO akong tagahanga ninyo laban sa mga masasamang loob, lalo na ng mga drug pusher pero mga bro, konting plano pa para mapapino ang trabaho, kaya ninyo ‘yan!

BREAKING NEWS – sa isang four-star hotel sa Ermita na pag-aari ng isang negosyanteng sumuporta kay RRD didiretso ang soon-to-be first family ano mang araw mula ngayon. Nalaman ko ito mula sa ilang kaibigan kong operatiba na nakita kong umaaligid-aligid sa hotel nitong weekend. Nagulat sila nang lapitan ko at tanungin. Todo-kaila sila nang tanungin ko, pero kinumpirma naman ito ng iba pang opisyal na nakita ko rin ko sa lugar.

CONTACT: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)