Inaasahan ni bagong Phoenix head coach Ariel Vanguardia ang pagdating bukas ng mga posible nilang maging reinforcement sa darating na PBA Governors Cup.

Dalawang import ang hinihintay ni Vanguardia na ayon sa kanya ay kapwa nagtataglay ng lakas at bilis. Ang dalawa ay sina Marcus Simmons at Zach Graham.

Dating import ng Air21 si Graham habang beterano ng NBA D League si Simmons na kanilang kinausap matapos na umurong ang nauna nilang napili na sina Trey McKinness-Jones at DeAndre Liggins.

Naglaro si Simmons sa Fort Wayne Mad Ants na affiliated sa Indiana Pacers habang galing naman si Graham sa paglalaro sa liga sa Spain.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Bagamat wala pang import, hindi naman naitago ni Vanguardia ang kasiyahan sa ipinakikitang laro ng kanyang mga local players at ng Asian import na si Lee Jwan Hee ng Korea na nanaig sa kanilang tune-up match kontra Star sa idinaos na PBA campus tour sa Centro Escolar University, noong nakaraang Miyerkules.

“Nakakatuwa kasi talagang andun yung effort ng bawat isa na gustong makatulong para manalo ang team,” pahayag ni Vanguardia. (Marivic Awitan)