DAHIL sa pag-veto ng papaalis na Pangulong Noynoy Aquino sa panukalang magtataas sa sahod ng mga nurse sa Pilipinas, inaasahang magbubunga ito ng patuloy na pangingibang-bansa ng mga ito upang doon maghanap ng trabaho. Layunin ng panukala na pinagtibay ng Senado at Kamara, na gawing P26,000 kada buwan ang suweldo ng Filipino nurses.

Una rito, bineto ni PNoy ang aprubadong P2,000 increase ng SSS pensioners. Dahil sa pag-veto, tiyak na hindi ibinoto ng ilang milyong SSS pensioners at ng kanilang mga pamilya si Mar Roxas, kandidato ng Liberal Party (LP), na sa bawat okasyon ay pinupuri at isinusulong ang “Daang Matuwid” na sa pananaw at karanasan ng mga botante ay “Daang Baku-Bako”.

Bagamat di pa opisyal na nauupo bilang ika-16 Pangulo ng Pilipinas, kumikilos na si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) at ang kanyang cabinet security cluster na mailigtas ang dalawa pang bihag ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG), lalo na ang posibleng pagpugot sa ulo ni Norwegian Kjartan Sekkingstad. Dalawang Canadian national ang pinugutan na ng ASG dahil sa pagkabigong magbayad ng ransom.

Naging katawa-tawa ang huling aksiyon dito ni PNoy dahil nang mapabalitang may planong magdeklara ng martial law ang papasok na Duterte administration sa Sulu, Basilan at Maguindanao, naisip din daw niya noon na magdeklara nito sa Sulu upang pulbusin ang tulisang grupo. Siya ay apurahang nagtungo sa Sulu para kausapin ang military contingent doon matapos pugutan si Robert Hall. Huli na.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Parang ibig kong maniwala na totoo at hindi isang gimmick ang pahayag ni President Rody na walang kama-kamag-anak sa kanya kapag lumabag sa batas. Kinumpiska ang driver’s license ng anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte dahil sa over-speeding. Tumakbo ang sasakyan ni Paolo ng 57 kph sa Bangkal area, gayong ang speed limit ay 40 kph lang. Hinuli siya ng traffic enforcer.

Napag-alamang maging si Mayor Duterte ay hinuli na rin ilang taon ang nakararaan ng traffick enforcer sa Sandawa Crossing Road dahil walang suot na helmet lulan ng motorsiklo. Sinurender ni Mang Rody ang kanyang driver’s license, nagbayad ng multa at sumailalim sa isang seminar tungkol sa wastong pagmamaneho. Si Mayor Sara Duterte ay hinuli rin kamakailan dahil sa overspeeding sa Quimpo Blvd.

Sabi nga ni incoming Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, pinaalalahanan sila ng machong alkalde na iwasan ang kurapsiyon sa bawat departamento ng bawat miyembro ng gabinete dahil mananagot sila sa kanya. Binigyang-diin ni Mayor Digong na hindi siya makikialam sa kanilang pangangasiwa, pero kailangang wala siyang maririnig na isyu ng kurapsiyon.

Sinabihan din niya ang mga kasapi ng Gabinete na hindi niya papayagang makialam ang sino mang miyembro ng kanyang pamilya.

Samantala, tinanggihan ni VP-elect Leni Robredo ang alok na VIP treatment sa kanya sa NAIA Terminal 1. Siya at ang tatlong anak ay nagbiyahe sa Taipei, dumating sa airport ng 9:00 ng umaga para sa kanilang 10:35 AM flight.

Sumailalim sila sa normal procedures sa paliparan. Nakita sila ng MIAA senior assistant general manager Salvador Guerzon na sa Starbucks habang naghihintay sa paglipad. Inalok sila sa VIP lounge at doon na lang maghintay at mag-snack. Tinanggihan ito ni beautiful Leni.

Samantala, sinabi ni PNoy na malamang na si Robredo ang magiging lider ng LP. Sinabi ng binatang Pangulo na tiyak na magkakaroon ng pagbabago sa liderato ng partido. Siya ang chairman ng LP ngayon, at maaaring siya ay maging chairman emeritus na lang samantalang si Leni na pinakamataas na opisyal ng LP na nahalal, ay siyang uupo bilang puno ng lapian. (Bert de Guzman)