SA gitna ng umaatikabong biruan tungkol sa kahihinatnan ng unang naarestong rapist ng dalawang babaeng pasahero sa kolorum na van na biyaheng Quezon City, biglang nagkaroon ng breaking news. Ang pangalawang suspek sa kaso, na kaaaresto pa lamang, ay napatay ng pulis matapos mang-agaw ng baril habang nasa biyahe.

Biglang natahimik ang biruan sa social media—napunit lang ito ng mga katagang “buti nga”, “salvage”, at “suicide”, na sinundan ng mga pang-asar na emoticon at bold letters na “LOL”.

Sa mga talang isinapubliko ng Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO), may 200% ang itinaas ng bilang ng mga drug pusher na napatay pagkatapos ng halalan noong Mayo 9 hanggang nitong Miyerkules. Sa loob ng 36 na araw, umabot agad sa 29 ang napatay sa engkuwentro, ‘di hamak na mas mataas kumpara sa 39 na napatay sa loob ng apat na buwan bago mag-eleksiyon.

Sa dami ng “encounter”, paano malalaman kung tunay ito o “kuwentong kutsero” lang?

Sa 30 taong karanasan ko bilang police reporter at sa dami nang nasamahan kong mga pulis operation, ito ang palatandaan ko kapag fake ang engkuwentro:

1. Nakatakas ang driver ng getaway vehicle;

2. Laging madilim at walang tao sa lugar ng engkuwentro;

3. Ang recovered na mga baril ay “teka-teka” (paltik);

4. Ang mga baril sa tabi ng bangkay ay naka-safety lock;

5. Dis-oras ng gabi at madaling araw nangyari ang barilan;

6. May mga bakas ng tali o posas (ligature marks) sa mga kamay at paa ang mga suspek;

7. Ang baril ng suspek ay laging nasa tabi ng kamay ng bangkay nito;

8. Halos walang bakas ng dugo sa lugar ng engkuwentro kahit tadtad ng tama sa katawan ang mga suspek;

9. Wala ni isang nakakita sa barilan o nakarinig ng putukan;

10. At ang pinakasikat—nang-agaw ng baril ang suspek!

Sa isang banda, naniniwala akong ang pagtumba ng mga drug lord sa “encounter” ay malaking tulong sa pagsugpo sa kriminalidad. Ang mga pangunahing krimen kasi sa lansangan, gaya ng rape, holdapan, snatching, nakawan at armed-robbery ay karaniwang gawa ng mga adik.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga ‘di inaasahang pangyayari, mag-text sa Globe: 0936-9953459, Smart: 0919-5586950, Sun: 0933-0465012 o mag-email sa [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)