Tiyak na papasok sa world ranking si Pinoy prospect Neil John Tabanao matapos patulugin sa loob ng tatlong round ang Aussie champion na si Ibrahim Balla para matamo ang bakanteng WBO Oriental featherweight title nitong Sabado ng gabi, sa Bendigo Stadium sa Victoria, Australia.

Nagpakiramdaman muna ang dalawang boksingero sa unang dalawang round pero pagdating sa ikatlong round ay napuruhan ng 22-anyos na si Tabanao ang karibal sa pamamagitan ng matinding left hook.

Nakabangon ang 25-anyos na si Balla, ngunit hindi na itinuloy ng referee ang laban matapos nitong hindi tumugon sa kanyang mga pahayag, may 1:47 sa third period.

Napaganda ni Tabanao ang kanyang marka sa 13-1-0, tampok ang siyam na knockout at natalo lamang sa kontrobersiyal na 12-round split decision kay Randy Braga sa kanilang sagupan para sa bakanteng Philippine featherweight title noong nakaraang taon sa Parañaque City.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nalasap naman ni Balla ang unang pagkatalo sa 10 laban. Natamo niya ang bakanteng Australian crown via decision kontra sa Pinoy na si Roberto Lerio noong 2015.

Inaasahan na sa magandang performance ay mabibigyan ng pagkakataon si Tabanao na kumasa sa world rated boxer para magkaroon ng pagkakataon sa WBO featherweight title na binakante ni Vasyl Lomachenko ng Ukraine na pinatulog kamakalawa si Mexican Roman Martinez sa ikalimang round para maagaw ang WBO junior lightweight title.

(Gilbert Espena)