Pinatunayan ng De La Salle University ang kahandaan para sa pagbubukas ng UAAP season nang gapiin ang Arellano University, 86-74, para makamit ang kampeonato sa FilOil Flying V Preseason Tournament nitong Linggo, sa San Juan Arena.
Winalis ng Green Archers ni coach Aldin Ayo ang kanilang kabuuang 10 laro mula eliminations hanggang finals sa torneo na tinampukan ng mga premyadong collegiate squad mula sa UAAP at NCAA.
Bukod dito, tatlo sa kanilang mga player ang humakot ng individual award sa pangunguna ni Cameroonian center Benoit Mbala na nahiramg na Defensive Player, MVP at Mythical Team member kasama sina Jeron Teng at Abu Tratter na nahirang din sa Mythical Team kasama ng Arellano backcourt tandem nina Jiovani Jalalom at Kent Salado.
Si Mbala rin ang tinanghal na pinaka-dominanteng manlalaro sa liga na pinatunayan ng mga naitala nitong league record na pinakamataas na naitalang kabuuang 226 na puntos para burahin ang dating record ni RR Garcia ng Far Eastern University na 210 noong 2010 season bukod pa sa pinakamaraming block na walo kada laro.
Dahil dito, walang duda na ang Green Archers ang maagang paborito bilang title contender sa darating na UAAP Season 79 na magbubukas sa Setyembre. (Marivic Awitan)