Iginiit ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan na panandalian lamang ang epekto ng Gilas cadet program sa taunang Rookie drafting ng premyadong pro league.
Inaasahan ang delubyo sa talento ng PBA rookie draft ngayong taon matapos umatras at magbigay ng kanilang commitment sa binuhay na Gilas cadet program ng SBP ang mga premyadong collegiate player, sa pangunguna ni Ateneo star Kieffer Ravena.
Bukod kay Ravena, two-time UAAP MVP, nagdesisyon na rin sina Mac Belo, Kevin Ferrer at Mike Tolomia, na palagpasin ang pagkakataong makapaglaro sa PBA at manatili sa National Team.
Batay sa programa ng Cadet na sinasabing “long-time program” ng SBP para masiguro ang katatagan ng Gilas sa international tournament, kabilang na ang qualifying meet para sa 2019 World Championship, bibigyan din ng kontrata ang mga player na may katumbas na buwanang allowance.
Ayon kay Pangilinan, magbabago ang line-up ng Gilas bawat taon kung kaya’t may pagkakataon ang mga player na ipagpatuloy ang career sa PBA.
“I would envisage that the pool will be an active pool where we could start with a certain number of players, but after each year, you could replenish and replace certain players,” pahayag ni Pangilinan, may-ari ng PBA team na Meralco, Talk ‘N Text at Petron, sa panayam ng Spin.ph.
“Those who are being replaced can conceivably get drafted by the PBA, say after a year. It’s only the first year that there could be an impact on drafting,” aniya.
Inamin ni PBA commissioner Chito Narvasa na malaki ang mawawala sa liga sa pagkaunsiyaming makuha ang serbisyo ni Ravena at ilang pang matikas na college player sa gaganaping rookie drafting.
Sa kabila nito, iginiit niyang patuloy ang pagsuporta ng liga sa programa ng SBP.
Nagdesisyon si Pangilinan na ibalik ang Cadet program bilang paghahanda sa pagbabago sa iskedyul ng mga torneo ng International Basketball Federation (FIBA).
“The details of the program will have to be coordinated with Commissioner Narvasa so that we will be working in collaboration with what the PBA likes and the calendar,” pahayag ni Pangilinan.